Kahalagahan ng paglagda ni PBBM ng CREATE MORE Act ibinahagi ng mga senador

27 Views

PINURI ng mga senador si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa paglagda sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE).

Pinasalamatan nina Senate President Francis Chiz Escudero at Sens. Juan Miguel Zubiri at Sherwin Gatchalian ang pangulo sa paglagda sa batas na ito na inaasahang magdadala ng malaking pagbabago sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Sen. Escudero, layunin ng batas na makahikayat ng mas maraming dayuhang kapital, gawing mas simple ang mga insentibo sa buwis at pagandahin ang regulatory landscape upang palakasin ang ekonomiya.

Binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng batas para sa pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng isang mas predictable na framework.

“CREATE MORE seeks to encourage more investors to come to the Philippines by providing a more predictable and sustainable playing field,” ani Escudero.

Kasama rin sa CREATE MORE Act ang mga probisyon para sa 200% na deduction sa power expenses para sa mga Registered Business Enterprises (RBEs) at VAT exemptions sa mga mahahalagang serbisyo tulad ng janitorial, security at human resources.

Inaasahan ni Escudero na ang batas makakatulong na mabawasan ang pangangailangan ng mga Pilipino na maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Pinuri din nina Sens. Zubiri at Gatchalian ang CREATE MORE Act bilang isang mahalagang hakbang para sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Zubiri, binibigyang-diin ng CREATE MORE Act ang pagpapadali ng proseso ng Value Added Tax (VAT) refund na matagal nang sanhi ng pagkadismaya ng mga mamumuhunan.

“We wanted to straighten out and simplify the process of VAT refunds because this has been an issue for many major locators in the country,” aniya.

Binigyang-diin naman ni Gatchalian na ang CREATE MORE Act magpapalakas sa posisyon ng Pilipinas bilang isang pangunahing destinasyon para sa pamumuhunan.

“With more foreign direct investments that CREATE MORE is expected to generate, more Filipinos will have better employment opportunities that will, in turn, redound to stronger domestic consumption,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang pinasimpleng proseso ng pagbubuwis sa ilalim ng batas kasama ang 2% Registered Business Enterprise Local Tax (RBELT) batay sa gross income at ang mas malinaw na aplikasyon ng VAT zero-rating sa mga lokal na pagbili.

Ang CREATE MORE Act resulta ng pagtutulungan ng iba’t-ibang mga mambabatas. Ang Senate Bill No. 2762 pinagsama-sama ang mga inisyatiba mula kina Senate President Escudero, Senator Zubiri, Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros at Senator Pimentel, na pawang sumusuporta sa pagpapaunlad ng mas business-friendly na kapaligiran.