Calendar
Linoloko ni Sotto si Lacson at ang samabayanang Pilipino
TINGNAN mo nga naman. Hindi talaga mapagkakatiwalaan itong si Tito Sotto.
Bago pa magsimula ang kampanya para sa halalan, nauna sina Senador Panfilo Lacson at Senador Tito Sotto na magpahayag ng kanilang magkakamping kandidatura bilang pangulo si Lacson at pangalawang pangulo si Sotto.
Sinabi ni Lacson na siya ay tatakbo sa lapiang Partido Reporma, at si Sotto naman ay kandidato ng lapiang Nationalist People’s Coalition (NPC).
Ayon sa kanilang mga patalastas, magkatambal silang dalawa. Magkatabi sa mga patalastas, at magkasama sa entablado habang nagkakampanya.
Ang Partido Reporma ay itinatag ni Renato de Villa nuong siya ay nag-ambisyong tumakbo bilang pangulo nung halalan ng taong 1998. Matapos matalo si de Villa, nawala na sa balita ang Partido Reporma. Wala na ring nabalitaan kay de Villa.
Nang patapos na ang taong 2021, at nagpasiya na si Lacson na tumakbo bilang pangulo sa Mayo 2022, nangailangan si Lacson ng isang magagamit na lapian.
Dahil sa pangangailangan ni Lacson, binuhay ni de Villa ang Partido Reporma sa tulong ni Pantaleon Alvarez, dating House Speaker ng Kongreso at kasalukuyang kongresista ng Davao del Norte. Ito ang naging lapian ni Lacson.
Mula Enero hanggang Marso 2022, ipinagmamalaki ni Alvarez na kandidato ng Partido Reporma si Lacson. Sinabi rin ni Alvarez na malakas ang pagkakataong manalo si Lacson sa halalan.
Habang pinupuri ni Alvarez si Lacson, sabay naman niyang sinisiraan si Leni Robredo, isang karibal ni Lacson sa pagkapangulo. Napakawalang-kwentang kandidato daw si Robredo, anya ni Alvarez.
Nitong nakalipas na buwan lamang, inihayag ni Alvarez na binabawi ng Partido Reporma ang suporta nila kay Lacson. Ayon kay Alvarez, hindi tinupad ni Lacson ang kanyang pangako na bibigyan niya si Alvarez ng P800 milyong para gamitin sa kampanya sa Davao. Dahil sa bigong pangako ni Lacson, lumipat na si Alvarez at ang Partido Reporma sa panig ni Robredo.
Agad naman tinanggap ni Robredo si Alvarez.
Kung bumaklas si Alvarez kay Lacson dahil hindi siya nakakuha ng P800-M kay Lacson, malamang ay lumipat si Alvarez kay Robredo dahil may pera para sa kanya mula sa kampo ni Robredo.
Hindi mahirap paniwalaan ito sapagkat ayon sa mga ulat at komentaryo sa mga pahayagan, pati rin sa online, maraming mga tusong negosyante sa Estados Unidos ang nagbibigay ng maraming salapi sa kampanya ni Robredo, kapalit sa malalaking kontrata sa pamahalaan, sakaling manalo si Robredo. Biro mo? Mga dayuhan ang kakampi ni Robredo!
Matapos ilahad ni Alvarez ang pagbaklas ng Partido Reporma kay Lacson, nagpasiya naman si Lacson na lumayas sa nasabing lapian. Sa kasalukuyan, walang lapian si Lacson. Ayon kay Lacson, siya na ay isang “independent candidate” sa darating na halalan.
Paano na ang NPC?
Sa simula pa lang ng kampanya, maliwanag sa marami na ang NPC ay panig lamang kay Sotto, at hindi kay Lacson. Sa madaling salita, hindi kandidato ng NPC si Lacson.
Anong uring kampihan iyan? Sabay magkampanya sina Lacson at Sotto, tapos hindi tinatangkilik ng NPC ni Sotto si Lacson? Lokohan lang pala ang samahan ng dalawa! Bakit pumapayag si Lacson na lokohin siya ni Sotto at ng NPC?
Isinaad ng NPC na hindi nila kandidato si Lacson sa pagkapangulo nitong nakalipas na Abril 3, matapos ang matagumpay na rally nina Bongbong Marcos (BBM) at Sara Duterte sa Tarlac City, lalawigan ng Tarlac.
Tumatakbo si BBM sa pagkapangulo at si Sara Duterte ang kanyang lahok bilang bise presidente. Palagi silang nangunguna sa lahat ng mga election survey. Maraming mamamayang Pilipino ang dumadalo sa mga rally at motorcade ni BBM at Sara.
Ayon sa mga ulat sa mga pahayagan at telebisyon, ang liderato ng NPC sa Tarlac City ay lubusang sumusuporta kina BBM at Sara. Hindi nila tinatangkilik ang kandidatura ang kapwa taga-NPC na si Sotto.
Bilang tugon, sinabi ng mga pinuno ng NPC na walang pahintulot ang NPC ng Tarlac City na tangkilikin ang kandidatura ni Sara Duterte. Isinaad din ng mga pinuno ng NPC na wala silang opisyal na kandidato sa pagkapangulo ngayong halalan 2022.
Kung ganon, bali-wala lang pala ang tambalan nina Lacson at Sotto sa simula pa lang ng kampanya. Mukhang linoloko lang pala ni Sotto at ng NPC si Lacson, at pati ang mga botante.
Samakatuwid, kung madali lang para kay Sotto na lokohin si Lacson sarili na niyang kakampi sa halalan, hindi katakataka kung linoloko lang ni Sotto ang taong-bayan sa kanyang mga ipanapangako sa pagkampanya niya sa buong Pilipinas.
Si Sotto ay mapagkunwari, at dahil diyan, hindi siya dapat iboto ng taong-bayan sa darating na halalan.