bro marianito

Magpasalamat, makuntento sa biyaya ng Diyos

403 Views

Matuto tayong makuntento at magpasalamat sa mga bagay na mayroon tayo. Dahil ang kasakiman ay isang lason na sumisira sa ating pagkatao (Mateo 21:33-43, 45-46)

“Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas. Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kaniyang mga tauhan upang kunin sa mga katiwala ang kaniyang parte. Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang mga tauhan, binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa at binato naman ang ikatlo”. (Mateo 21:34-35)

MISTULANG normal na lamang sa ating kasalukuyang panahon na maraming tao ang hindi marunong makuntento sa mga bagay na tinatamasa nila ngayon sa kanilang buhay.

Sapagkat masyadong napapamayagpag ang pagiging materyoso ng ilang tao labis silang nahuhumaling sa mga material na bagay katulad ng salapi, kaya kahit nasa sa kanila na ang lahat ng bagay. Ang pakiramdam nila ay parang kulang pa rin.

Dahil sa ganitong kalakaran sa buhay ng mga taong ito, hindi naiiwasan na ang kanilang “pagka-diskuntento” sa buhay ay unti-unti nang nauuwi sa “kasakiman”. Kahit mayroon na sila ay gusto pa nilang magkamal.

Kahit kumpleto na sila sa mga bagay na maaaring nilang matamasa sa buhay ang pakiramdam nila ay gusto pa nilang dagdagan ng dagdagan ang mga pag-aari nila.

Hindi pa rin sila masaya at hindi rin sila kuntento sa mga “blessings” o pagpapala na ipinagkaloob sa kanila ng ating Panginoong Diyos dahil sa nararamdaman nilang “kakulangan” kahit kumpleto na sila sa mga bagay na mayroon sila.

Mas mainam pa ang mga mahihirap at mga taong salat sa buhay, kahit hikahos ang uri ng kanilang pamumuhay. Maligaya pa rin sila mumunting “blessings” na ipinagkakaloob sa kanila ng ating Panginoong Diyos.

Kahit kapos sila sa magandang kapalaran hindi mapagsidlan ang nararamdaman nilang kaligayahan. Kahit tuyo, daing o sardinas lamang ang kanilang pinagsasaluhan.

Dahil ang kaligayahang nararamdaman nila ay tila mas malalim sa kasiyahan na nararamdaman ng mga mayayaman. Masaya lamang ang mga masasalapi dahil sa kanilang kayamanan.

Minsan, mapapa-isip ka rin kung bakit maligaya ang mga mahihirap kahit sila’y naghihikahos at hilahod sa buhay. Samantalang ang mga mayayaman naman kahit nag-uumapaw na ang kanilang kayamanan ay hindi parin sila masaya.

Ang kasakiman ay isang lason na sumisira sa ating buong pagkatao at sumisira din ng ating relasyon sa Diyos. Katulad ng ibinibigay na mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 21:33-43, 45-46) kaugnay sa Talinghaga Tungkol sa Ubasan at mga Katiwala.

Matutunghayan natin sa kuwentong ito ang ipinamalas na kasakiman ng mga “katiwala” matapos ipagkatiwala sa kanila ng may-ari ang pag-aari nitong ubasan. (Mt. 21:33)

Ngunit sa halip na suklian nila ang kabutihang loob ng may-ari ginantihan nila sa pamamagitan ng masamang paraan ang “generosity” ng may-ari matapos nilang saktan at pagpapatayin ang mga tauhan nito. (Mt. 21:34-35)

Sukdulang lamunin sila ng sobrang kasakiman matapos nilang pag-interesan ang mamanahing kamayaman ng anak ng may-ari ng ubasan. Kaya ito’y kanilang binugbog at pinatay sa pag-aakalang mapupunta sa kanila ang mamanahin ng anak. (Mt. 21:37)

“Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak. Sila’y nag-usap usap, “Ito ang tagapagmana, halikayo. Patayin natin siya upang mapasa-atin ang kaniyang mamanahin, kaya’t siya’y sinunggaban nila. Inilabas sa ubasan at pinatay”. (Mt. 21:38-39)

Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo na kailangan tayong matutong magpasalamat at makuntento sa mga blessings na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.

Dahil ang kaligayahan ay hindi naman talaga nasusukat sa pamamagitan ng mga materyal na bagay na mayroon tayo. Kundi sa pamamaraan ng pagkakaroon ng isang tahimik na pamumuhay at katiwasayan ng pag-iisip.

Tandaan lamang natin na kapag lalo tayong yumayaman mas lalong lumalaki ang ating mga problema. Halos hindi na tayo makatulog ng mahimbing sa kaka-isip sa ating problema.

(1) Namomroblema tayo na baka pasukin tayo ng magnanakaw at kunin ang lahat ng kayamanan natin. (2) Namomroblema tayo kung kanino natin ipagkakatiwala ang ating kamayaman sakaling tayo ay pumanaw. (3) Namomroblema tayo dahil sa dami ng may-utang at pinagkakautangan natin.

AMEN