Shabu

Laborer laglag sa mga parak dahil sa isang kilong shabu

Edd Reyes Nov 23, 2024
12 Views

LAGLAG sa kamay ng mga pulis ang obrero na may pag-iingat ng mahigit isang kilong shabu na nagkakahalaga ng mahigit P7.8 milyon sa Caloocan City noong Biyernes.

Natiklo ang suspek na si alyas Marlon, 39, matapos pagbentahan ng ilegal na droga ang pulis na nagpanggap na buyer, ayon sa report.

Nasilaw ang suspek sa alok na P32,500 na halaga ng binibiling shabu at tuluyang natiklo sa kanyang tirahan sa 549 Reparo Road, Brgy. 161 dakong alas-9:48 ng gabi.

Nagkasa ng buy-bust ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Robert Sales, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), matapos ang mahigit isang linggong sikretong pagmamanman.

Humigit kumulang sa 1,150 na gramo ng shabu ang nakumpiska kay alyas Marlon na may katumbas na halagang P7,829,000, pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang tunay na P500, isang genuine na P1,000 at 31 piraso ng P1,000 boodle money.

Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drug) at Section 11 (Possession of Dangerous Drug) ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) na isasampa sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.