Lacson1

Eksperto sa budget ang dapat na susunod na lider ng bansa

270 Views

PAMBANSANG budget ang maituturing na pinakamahalagang sangkap tungo sa kaunlaran ng bansa kaya mahalaga na tama itong magugol para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan.

Ito ang pahayag ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa national budget na aniya’y pinaka-importante sa lahat ng mga batas na ipinapasa ng Kongreso taun-taon para maihatid ang mga pangunahing serbisyo publiko mula sa pamahalaan.

Ipinaliwanag niya ito sa harap ng mga lokal na opisyal sa Bataan na kanyang binisita nitong Linggo (Abril 10) para talakayin ang itinutulak niyang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na magiging salalayan ng kanyang administrasyon kung mahahalal siya bilang susunod na pangulo.

“’Yung national budget is the most potent weapon. Kaya nga ito ‘yung ‘must-pass’ legislation, hindi ba, Cong? Wala na maipasang batas sa isang taon, pero kailangang ipasa ‘yung GAA (General Appropriations Act),” sabi ni Lacson sa ginanap na town hall meeting sa ‘The Bunker’ sa Balanga City.

Muling iginiit ni Lacson na ang pondo ng pamahalaan ang ‘lifeblood’ o bumubuhay sa ating ekonomiya. Malaki aniya ang problema ng bansa kung ipagsasawalang-bahala ng mga mamamayan ang mga isyu na may kinalaman sa paggamit nito.

“Subukan niyong barahan ‘yung daluyan ng resources—kumbaga, sa atinganatomy daluyan ng dugo—stroke ang aabutin natin kasi barado. Ganoon din po ang national budget. Kaya po maraming mga bayan ang napag-iiwanan, lalo na ‘yung mga malalayo sa kabihasnan—sabi nga, nila malayo sa kusina—‘yon ang problema,” saad ng presidential candidate.

Sa ilalim ng BRAVE policy, ang mga local government unit (LGU)—mula sa mga probinsya pababa sa barangay level—ay mabibigyan ng hiwalay na budget para sa mga proyektong pangkaunlaran at kabuhayan ng kanilang mga komunidad na depende sa pangangailangan at prayoridad ng mga residente.

Ani Lacson, target ng mungkahi niyang reporma sa budget ang mapasigla ang kaunlaran ng mga mahihirap na LGU sa buong bansa, lalo na ang mga lugar na may maliit na Internal Revenue Allotment (IRA) at hindi sumasapat para maipatupad nila ang mga programa at serbisyo na mapapakinabangan ng mga mahihirap.

Kabilang sa plataporma ni Lacson ay ang pagpapalakas sa partisipasyon ng Local Government Academy para mabigyan ng pagsasanay at mahasa ang LGU officials partikular sa kanilang kakayahang mamahala at teknikal na kaalaman upang mas maging handa sila sa pagpapatupad ng mga plano at iba pang programang pangkaunlaran.

“Halimbawa, next year, binigyan ka na ng pondo, hindi mo na-implement,medyo i-su-suspend ka. Bumalik ka muna sa eskwelahan, mag-aral ka uli, at ibibigay sa’yo uli ‘yung pondong nararapat sa’yo kapag ready ka na. So, incentivized. Ibig sabihin, magsusumikap talaga ‘yung mga local government executives na pagbutihin,” paliwanag ni Lacson.

Sa pamamagitan ng BRAVE, umaasa si Lacson na mabubura na ang aniya’y ‘culture of mendicancy’ o ang mala-palimos na sistema para makakalap ng sapat na pondo ang LGU officials na tila kinasanayan na nila tuwing sasapit ang panahon ng pagpapasa ng budget sa Senado, lalo na noong bago pa magka-pandemya.

Mareresolba rin aniya nito ang hindi matapos-tapos ba isyu sa hindi nagagamit, maling paggamit, at inaabusong pondo ng pamahalaan na umaabot sa bilyong piso. Maaalis din umano ang posibilidad na makapagnakaw sa kaban ng bayan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno dahil nakahanda na ang mga proyekto.

“So, ‘yon po, in essence. I hope I was able to explain quite clearly para malaman natin kung ano ‘yung magagawa ng ating national budget para sa ikauunlad hindi lamang ng national government kundi lalo ng mga local government units all over the country,” sabi ni Lacson sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Bataan.