BI Photo Bureau of Immigration

Puganteng dayuhan pinabalik sa Tokyo

Jun I Legaspi Dec 9, 2024
21 Views

NAIPADEPORT na ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese na lalaki na naaresto dahil sa pagiging pugante sa kanilang bansa.

Ang pugante, na kinilalang si Sasaki Yohei, 36, ay naaresto nitong Oktubre 1 sa Mercury Street, Bahay Toro, Lungsod Quezon.

Pinabalik siya sa Tokyo nitong Disyembre 9 ng umaga lulan ng Japan Airlines flight.

Inutos ng BI ang kanyang deportasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa pamahalaang Hapon tungkol sa kanyang mga krimen.

Ayon sa mga awtoridad ng Japan, si Yohei ay may aktibong warrant of arrest na inisyu ng Omiya summary court sa Saitama, Japan, kung saan siya ay kinasuhan ng panloloko sa isang nakatatandang biktima sa isang nursing home kung saan siya nagtrabaho bilang staff.

Hinikayat umano niya ang biktima na mag-invest ng mahigit 3 milyong yen sa isang pekeng kontratang transaksyon.

Bukod dito, si Yohei ay sinasabing miyembro ng isang Cambodia-based telecom fraud syndicate na sangkot sa kidnapping, illegal detention, extortion, at panloloko.

Nalaman din na ilang matataas na miyembro ng sindikato ang naaresto na sa mga nakaraang operasyon ng BI-FSU.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, bilang resulta ng kanyang deportasyon, isinama ang kanyang pangalan sa blacklist ng BI, na nagbabawal sa kanyang muling pagpasok sa bansa.

“Ang kanyang deportasyon ay nagpapakita ng ating matibay na paninindigan laban sa mga illegal alien na nagtatangkang manatili sa Pilipinas upang makaiwas sa pag-aresto sa kanilang mga bansang pinagmulan,” ayon kay Viado. “Uulitin ko, ang mga pugante at iba pang dayuhang kriminal ay walang lugar sa ating bansa,” dagdag niya.