Santiago Nagbigay ng pahayag si NBI Director Jaime Santiago kaugnay sa narekober na mahigit 100 kilos ng radioactive material na uranium.

100 kilo ng uranium narekover; 3 nagtitinda arestado

Jon-jon Reyes Dec 10, 2024
81 Views

AABOT sa 100 kilos ng depleted uranium na gamit sa paggawa ng bala at nuclear weapons na kayang tumagos sa bakal na may cancerous chemical ang narekober noong Oktubre 18 at nag-ugat sa pagkaka-timbog ng tatlong suspek na nagbebenta nito.

Ang operasyon ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), katuwang ang mga kinatawan ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), nag-ugat nang humingi ng tulong ang PNRI kay NBI Director Jaime Santiago na imbestigahan ang iligal na pagbebenta ng depleted uranium.

Paglabag sa Republic Act No. 5207 (Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968) ang pagbebenta ng pribadong tao ng depleted uranium.

Ayon sa PNRI, mapanganib ang depleted uranium kung malalanghap ang powder form dahil mauuwi sa kanser bukod pa na ang possessio nito ng sinuman isang seryosong banta sa national security dahil isa ito sa mga components ng nuclear weapon.

Kinilala ang mga naaresto na sina Roy Cabesas Vistal, Mae Vergel Zagala at ang ahenteng si Arnel Gimapaya Santiago. Kay Zagala nasamsam ang 20 kilos ng metal bar at 3 kilos ng black powder.

Narekover kay Vistal ang 3 kilo ng black powder, rock material, small metal materials na pawang positibo sa uranium-235 at uranium-238.

Noong Okt. 28, nadakip si Vistal sa Cagayan de Oro City at nasamsam ang isang palayok na tumitimbang ng tatlo hanggang limang kilo na nagpositibo sa uranium 238 at uranium-235.

Natuklasan din na na kontaminado ang iba’t-ibang panig ng kanyang bahay at sasakyan ng nasabing radioactive materials.

Natuklasan ng NBI na kinukuha ang depleted Uranium sa Cebu.

Noong Nobyembre 8 at 9, nasamsam ang 60 kilos ng black metals na positibo din sa uranium-238 at uranium-235.