BI Photo Bureau of Immigration

5 dayuhang pugante papabalikin ng BI sa kanilang bansa

Jun I Legaspi Dec 12, 2024
25 Views

LIMANG dayuhang pugante ang ipade-deport sa kanilang bansa upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanila, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Kabilang sa mga naaresto at ide-deport ang isang Amerikano, isang Tsino, isang Taiwanese at dalawang Koreano na naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng mga miyembro ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Ang mga dayuhang pugante ipade-deport dahil sa pagiging undesirable aliens at ilalagay sa blacklist upang hindi na makabalik sa bansa, ayon sa BI.

“There will be no letup in our campaign to catch and expel these fugitives whose presence here poses a serious threat to public safety and security,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Naaresto noong Disyembre 2 sa Kabankalan City, Negros Oriental si Paul Raymond Ross, 66, isang Amerikano, na wanted sa Pennsylvania, USA dahil sa extortion at harassment.

Inamin ni Ross noong Abril 2008 ang kanyang pagkakasala ng extortion gamit ang threatening communications. Hinatulan siya ng 27 buwang pagkakakulong at tatlong taong supervised release.

Noong Disyembre 3, naaresto ng BI-FSU operatives sa Lapu-Lapu City, Cebu ang dalawang Koreano na sina Jung Yunjae, 26, at Jeon Hyeonuk, 41, dahil sa kidnapping.

May nakabinbing warrant of arrest ang dalawa na inilabas ng Ulsan District Court sa Korea.

Noong Disyembre 6, inaresto ang Chinese national na si Ji Shunchao, 64, na wanted ng Shishi Municipal Public Security Bureau sa China dahil sa pagsasampa ng pekeng tax refund.

Bumili ng export declaration information sheet ang suspek kasama ang mga pekeng VAT special invoices upang makuha ang export tax refunds na umaabot sa halos 14 milyong renminbi ($2 milyon).

Noong Disyembre 8, naaresto sa Pasay City ang Taiwanese national na si Ye Tian Hao, 32, dahil sa panloloko.