Atty. Jeff Coronel

BBM-Sara sa Cebu: Ang Huling Kumpirmasyon

Jeff Coronel Apr 21, 2022
324 Views
UniTeam
Si UniTeam presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr at ka-tandem na sk his Lakas-CMD/HNP vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte sa UniTeam Mega Festival Rally na dinaluhan ng 300,000 na taga-suporta Lunes ng gabi sa Cebu City. Kuha ni VER NOVENO

NANG magdeklara ang mga Kakampink na Cebu is Pink matapos ang rally ng kampo ng Leni-Kiko sa Cebu City noon Pebrero 24, maraming taga suporta ng BBM-Sara tandem sa iba’t ibang lugar sa bansa ang nagpahayag ng pagkabahala sa maaring malaking kawalan ng boto mula sa probinsyang may pinakamaraming botante sa bansa. Nasundan ito ng rally ng nasabing kampo sa Iloilo, na sa unang tingin ay parang nagpatibay na ang mayorya ng Visayas ay para kay Leni at Kiko.

Mahigit 3.2 milyon ang botante sa Cebu mula sa 53 na mga lungsod at bayan. Ito ang may pinakamaraming botante sa buong Pilipinas kung saan mahigit 50% ng populasyon ay bumuboto. Para sa mga political analysts, ang pagkapanalo ng isang kandidato sa Cebu ay nagbibigay ng malaking lamang na mahirap na habulin sa ibang probinsya, depende sa popularidad. Subalit, sa kasaysayan, ang boto ng probinsya ng Cebu ay tumutugma sa resulta ng eleksyon sa buong bansa. Ikan ga ng iilan—ang pagpanalo sa Cebu ay pagpanalo sa buong bansa.

Halos kumbinsido na marahil ang mga nasa kabilang kampo na masusulit at maipapanalo nila ang buong probinsya ng Cebu matapos ang rally ng Pebrero 24. Hayagang nagdiwang sa social media ang mga taga suporta ng Leni-Kiko Tandem dala ang hashtag na #CebuisPink, at marahil hindi makakalimutan ang mga salitang binitawan ni Tomas Osmena na wala ng Marcos at Duterte sa Cebu. Mga hakbang at mga salitang siguradong sa ngayon ang katotohanan ay dahan-dahan nang bumababa sa balikat ng mga nasa kabilang kampo.

Sinindak ng UniTeam ang ibang mga kampo sa ginanap na Festival Rally nitong Abril 18 sa Cebu City na nagpakita ng lakas at pwersa ng mga taga-suporta ni BBM at Sara sa probinsya. Mahigit 300,000 ang dumalo sa nasabing rally na pinanood naman ng live ng milyon-milyong mga botante sa loob at labas ng bansa. Pinatunayan ni Cebu Governor Gwen Garcia na mananatiling nagkakaisa ang mga Cebuano sa pagsuporta sa UniTeam. Mula sa Alay Lakad hanggang sa Festival Rally, ang suporta ay bumuhos at pumuno sa mga lansangan malapit sa Filinvest Grounds.

Sa nakararami, ang tagumpay ng Festival Rally sa Cebu ay hudyat ng tagumpay ng UniTeam at nagsisilbing huling patunay ng pagkapanalo ni Bongbong Marcos at Sara Duterte sa halalang ito. Sa kabila ng patuloy na pag-deklara ng mga Kakampink na matagumpay ang kanilang mga rally at pagpapalobo ng bilang ng mga dumadalo, patuloy ding dinudugok at bumubuhos ang mga tao sa mga rallies ng UniTeam.

Ang pamamayagpag sa surveys, ang suporta ng mga matataas na opisyal sa iba’t-ibang probinsya at ang popularidad ni Bongbong at Sara ay mga konkretong patunay na araw na lamang ang hinihintay bago sila ideklarang panalo. Ang rally sa Cebu ay patunay na ang Visayas ay may mahigpit na suporta sa UniTeam—kukumpleto sa Solid South at Solid North ng tambalang BBM-Sara.

Pilit mang pasinungalingan ng kabilang kampo ang lahat ng ebidensya ng pagkapanalo, alam na ng mayorya ang magiging kalalabasan ng halalan, at anumang pandaraya sa araw ng eleksyon ay maaari lamang magpasiklab ng galit ng masang Pilipino.

Ito na ang huling kumpirmasyon ng Panalo. Tapos na ang laban.