Morales Ipinakita ni Cabanatuan City police chief Lt. Col. Renato Morales ang mga bawal na paputok at mga lugar na itinalaga bilang firecracker at pyrotechnic zones sa lungsod bilang pag-seguro sa kaayusan at ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon. Kuha ni STEVE GOSUICO

Buong police force ng Ecija inilagay sa heightened alert

Steve A. Gosuico Dec 26, 2024
44 Views

CABANATUAN CITY–Isinailalim na ang buong police force ng Nueva Ecija sa heightened alert sa gitna ng pagdiriwang ng Yuletide at bagong taon.

Sinabi ng hepe ng siyudad na ito na si Lt. Col. Renato Morales na iniutos din ni P/Col. Ferdinand Germino, police chief ng lalawigan, ang pagpapaigting ng interbensyon ng pulisya upang matiyak ang kahandaan at pagtugon sa “Ligtas Paskuhan” mula Disyembre 16 hanggang Enero 6, 2025.

Ayon kay Morales, kasama sa security protocols ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa pagdiriwang ng Bagong Taon, partikular sa paglalagay ng mga designated community fireworks displays (CFDs) at Firecracker Zones (FZs) sa lungsod.

Ipapakalat ang mga karagdagang yunit ng pulisya na suportado ng augmentation forces at advocacy group ay dahil ang mga paputok nagdudulot ng panganib sa kaligtasan kung hindi maayos na hahawakan.

Binanggit ni Morales ang mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics kabilang ang “Bin Laden, pillbox, kabasi, super Yolanda, boga, kwiton, hello Columbia, atomic triangle, mother rockets, goodbye Philippines, goodbye delima, goodbye napoles, coke-in-can, piccolo, Watusi, piccolo, five star at iba pa.

Binalaan din ni Morales ang mga kabaro niya na iwasan ang indiscriminate firing sa pagdiriwang ng Bagong Taon dahil kakasuhan ng administratibo at kriminal ang mga madadakip dito.