Pista

Pista ng Patron ipagdiriwang ng San Antonio hanggang Enero 14

Steve A. Gosuico Jan 9, 2025
35 Views

Pista1SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Nagdiriwang ng 14 na araw ng Pista ng Patron mula Enero 4 hanggang 17 ang pamahalaang bayan dito sa pakikipagtulungan ng Fiesta Committee 2025 at Diocesan Shrine and Parish of St. Anthony Abbot (San Antonio Abad).

Ayon kay Mayor Arvin Salonga, ang Fiesta Committee 2025 naghanay ng mga aktibidades kasabay ng pag-gunita ng ika-182 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng bayang ito.

Nakasentro ang pagdiriwang sa tema nitong “Tambo Festival sa Jubileo ng Pag-asa.”

“Kung natatandaan nyo ang nagdaang Bagyong Kristine nagdulot ng pagbubuwis ng buhay at pagkasira ng mga imprastraktura, bahay at pananim.

Ito’y nasaksihan sa Cagayan, Ilocos, Bicol at ilang parte ng Mindanao. Ang bayan ng San Antonio pinagpala ng ating Patron upang hindi sapitin ang ganitong kalamidad,” sabi ng alkalde.

Nagpasalamat din si Salonga sa Poong Maykapal at kay Patron San Antonio Abad sapagkat sa loob ng siyam na taon ginabayan siya upang maging matagumpay sa kanyang panunungkulan.

Ang 14-araw na kasiyahan nagsimula noong Sabado sa pamamagitan ng fun run na sinundan ng “Worship Concert” bandang alas-6:00 ng gabi sa Church quadrangle.

May mga misa at prusisyon din na nakalinya bilang parangal sa patron ng bayan na si St. Anthony Abbot na gaganapin hanggang Enero 16 bukod sa Concelebrated Mass na pangungunahan ni Cabanatuan Bishop Sofronio A. Bancud sa Enero 17.

Ang iba pang mga kaganapan na itatampok sa pagdiriwang ang: Street-Dancing Competition, Battle of the Bands, Gabi ng Kabataan–San Antonio’s Got Talent, Barangayan at Coronation Night ng Natatanging Ina, San Antonians Night, Float Competition at Puto Festival.