BJMP

BJMP guard arestado sa pagpapaputok ng baril sa harap ng resto

12 Views

KALABOSO ang isang jailguard ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos umanong magpaputok ng baril sa Quezon City nitong Sabado.

Sa naantalang report ng Criminal Investigation ang Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 11:55 ng gabi noong Sabado (January 18), nang maganap ang insidente sa harap ng Ihaw-ihaw Restaurant ni Bai na matatagpuan sa No. 35 Pampanga St., Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Alexiss Mace L Jurado, nakatayo ang complainant sa harap ng kaniyang tahanan sa Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, nang mapansin ang jailguard na bumunot ng baril, at biglang nagpaputok.

Dahil dito, nagdulot umano ng takot sa mga nakatira sa lugar kaya agad na inireport sa Project 6 Police Station 15 ng QCPD.

Nagresponde sina P/Cpl Francis A. Balein at P/Cpl Arvin S. Dimaunahan, at pagdating sa lugar ay itinuro ng complainant ang kinaroroonan ng suspek.

Kinumpiska mula sa suspek ang isang 9MM Glock pistol na may may isang magazine na puno ng walong bala, at isang fired cartridge case.

Nang hingan ng dokumento ang suspek para sa baril ay wala itong naipakita dahilan upang ito ay arestuhin.

Inihahanda na ang kasong Alarms and Scandals sa ilalim ng Article 155 of the Revised Penal Code laban sa jailguard.