Calendar
MC rider na nag-ala Superman sa kaniyang stunt, dapat patawan ng mabigat na kaparusahan — Vargas
IGINIGIIT ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas sa pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na dapat patawan ng mabigat na kaparusahan ang motorcycle rider na nag-ala “Superman” sa kaniyang stunt habang nagmamaneho sa Marilaque Road sa Tanay Rizal.
Binigyang diin ng House Assistant Majority Leader na hindi dapat palampasin ng LTO ang mga riders na walang disiplina at walang pakundangan sa kanilang pagmamaneho katulad ng MC rider na nag-viral habang nagmistulang Superman sa kaniyang stunt.
Ayon kay Vargas, ang pagpapataw ng mabigat na kaparusahan ang nararapat igawad ng LTO laban sa mga motorcycle riders na hindi isinasa-alang-alang ang kapakanan ng kapwa nila rider lalo na kung humantong sa aksidente ang kanilang kapabayaan.
Bagama’t isang linggo na ang nakakaraan matapos maganap ang malagim na aksidente sa Marilaque Road. Mariing binatikos ng kongresista ang ginawang kapangahasan ng nasangkot na MC rider makaraang mag-viral ang pagpapasiklab nito na nauwi naman sa pagkasawi ng kaniyang kapwa rider bunsod ng pagkakatilapon nito.
Suportado rin ni Vargas ang nakatakdang pagpapatawag ng LTO sa naturang MC rider na nag-ala Superman matapos mamatay ang kaniyang kasamahang rider sa naganap na aksidente upang magpaliwanag kaugnay sa trahedyang kinasangkutan nito.
Sinabi naman ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na naipadala na nila ang Show Cause Order (SCO) sa tirahan ng nasabing rider sa Lipa City, Batangas. Kung saan, inatasan ang rider na magsumite ng kaniyang paliwanag kaugnay sa nangyaring aksidente.