BBM2

Mga hindi nagbabayad ng buwis, tutugisin ni PBBM

Chona Yu Feb 4, 2025
15 Views

TUTUGISIN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga indibidwal na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa 2025 Bureau of Internal Revenue National Tax Campaign Kickoff sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, sinabi nito na maingat na ginagastos ng pamahalaan ang nakokolektang buwis.

“I have said this before: We will hold those who continue to circumvent our system accountable,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“And I say this with hope and with sternness—hope that we all see the value in contributing to our country and that the law will deal sternly against those who exploit the system unfairly,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, nakalaaan sa taong bayan ang buwis.

“Makakaasa po kayo na mahigpit nating babantayan ang paggugol sa pondo ng bayan. Sisiguruhin natin na ang ating pondo ay magbubunga ng mga proyektong ikakabuti ng ating bansa at ikauunlad ng bawat isang Pilipino,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Kasabay nito, ibinida ni Pangulong Marcos na nakapagtala ang BIR ng pinakamalaking koleksyon ng buwis noong 2024 na umabot sa halos P3 trilyon.

Ayon sa Pangulo, pinakamataas ito na koleksyon ng BIR sa nakalipas na 20 taon.

Nabatid na nasa P2.85 trilyon ang nakolekta ng BIR noong 2024, mas mataas sa P2.52 trilyon na nakolektang buwis noong 2023.

Sabi ni Pangulong Marcos, ang nakolektang buwis ng BIR ay katumbas ng pagpapatayo ng mahigit isang milyong paaralan, 190,000 kilometro na kalsada at mahigit 167,000 na health facilities.

“Ngayong araw na ito, muli kaming nananawagan sa ating mga kababayan at magpapaalala sa pagbabayad ng tamang buwis. Ang bawat mamamayang sumusunod sa tamang pagbayad ng buwis ay nagiging bahagi sa ating pag-unlad,” pahayag ni Pangulong Marcos.