Maraguinot Wala na si Jho Maraguinot (kaliwa) ngunit nariyan sina Faith Nisperos at Roma Mae Doromal upang mapalawig ang pagrereyna ng Ateneo sa UAAP women’s volleyball reign simula sa May 5. UAAP photo

Ateneo, La Salle magtutuos sa UAAP volleyball

Theodore Jurado Apr 30, 2022
340 Views

SASAGUPAIN ng Ateneo, ang pinakahuling UAAP women’s volleyball champions, ang fabled rival La Salle na siyang tampok sa four-game opening day fixture sa Huwebes sa Mall of Asia Arena.

Magtutuos ang Lady Eagles at Lady Spikers, na nagharap pa sa unang weekend ng Season 82 ilang araw bago maisantabi ang torneo noong March 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, sa alas-4 ng hapon.

Si libero Dani Ravena ang bagong Ateneo captain, habang si national team mainstay Faith Nisperos na ang mangunguna sa opensa.

Magsisilbi si Jolina dela Cruz na bagong lider ng La Salle, lalo’t nagpasiya si setter Michelle Cobb kamakailan na hindi na laruin ang kanyang huling taon ng eligibility.

Bubuksan ng long-time volleyball rivals University of Santo Tomas at Far Eastern University ang bakbakan sa alas-10 ng umaga, habang magpapambuno ang National University at Adamson sa alas-12 ng tanghali.

Magtitipan ang University of the Philippines at University of the East sa nightcap sa alas-6 ng gabi.

Gaganapin ang rematch ng Season 81 championship sa pagitan ng Lady Eagles at Tigresses sa May 19 sa alas-4 ng hapon.

Isa ring kaabang-abang na marquee first round match-up ay ang May 10 showdown sa pagitan ng Lady Spikers at Lady Bulldogs sa alas-4 ng hapon.

Muling paiigtingin ng La Salle at UST ang kanilang matinding women’s volleyball rivalry sa May 12 sa alas-6 ng gabi.

Lalaruin ang mga first round volleyball matches tuwing Martes, Huwebes at Sabaso sa Pasay venue.

Ang men’s basketball semifinals – na gagamitin ang alinman sa Final Four o step-ladder format – at ang Finals ay lalaruin na tuwing Miyerkules, Biyernes at Linggo sa Mall of Asia Arena. Bukas na ang huling araw ng eliminations.