creamline

Creamline kampeon sa PVL, Alyssa MVP

Theodore Jurado Apr 10, 2022
304 Views

ANTIPOLO CITY — Tinanghal na kampeon ang Creamline matapos pataubin ang PetroGazz, 25-18, 15-25, 25-23, 25-15, sa PVL Open Conference Biyernes ng gabi sa Ynares Center dito.

Winalis ng Cool Smashers ang serye, 2-0, at nagwagi ng lahat ng walong laro sa season-opening conference.

Nakopo ni Alyssa Valdez ang Finals MVP matapos magtala ng 20 points, kabilang ang tatlong blocks at tatlong service aces, at 11 digs sa title clincher.

Samantala, naiuwi ni Tots Carlos, ang Creamline’s third offensive option, ang conference MVP award. Tumapos si Carlos na may 16 points sa Game 2.

Nagdagdag si Jema Galanza ng 17 points habang umiskor si Ced Domingo ng lima sa kanyang 12 points sa blocks para sa Cool Smashers.

Naging bahagi ang 23-anyos na si Carlos sa PVL Premier Team, kung saan nanalo siya ng Best Opposite Spiker award.

Nasambot ng Cignal HD ang karamihan sa individual awards, kung saan inangkin ni Gel Cayuna ang Best Setter award.

Naiuwi ni Ces Molina ang Best Outside Spiker award, habang winalis nina Ria Meneses at Roselyn Doria ang Best Middle Blocker awards para sa HD Spikers. Ito ang ikalawang Best Middle Blocker trophy ni Meneses.

Nakuha rin ni PetroGazz’s Grethcel Soltones ang Best Outside Spiker trophy, habang nakuha.ni F2 Logistics’ Dawn Macandili ang Best Libero plum.

Nakopo ng Cignal HD ang ikatlong puwesto matapos pataubin ang Choco Mucho, 25-18, 27-25, 23-25, 25-17. Kahit natapos na tabla ang best-of-three series, nakuha pa rin ng HD Spikers ang bronze dahil sa mataas na quotient.

Bumandera si Molina para sa Cignal na may 21 points habang nagdagdag si Rachel Anne Daquis ng 18 points, 25 digs at walong receptions.

Creamline Cool Smashers: Tinanghal na kampeon.