bro marianito

Ang kasalanan ay di kailanman magiging tama sa mata ng Diyos

287 Views

Ang taong nahihiyang magpakita sa Diyos ay umaaming siya ay makasalanan (Genesis: 3:1-10)

NAALALA ko nuong araw nang mabasag ko ang mamahaling flower vase ng aking Ina.

Dahil sa sobrang takot ko sa kaniya, ako ay nagtago sa pinaka-sulok ng aming bodega.

Kahit tinatawag na niya ako ay hindi talaga ako lumalabas sa aking pinagtataguan sapagkat takot na takot ako at alam kong papaluin niya ako dahil sa nagawa kong kasalanan.

Sa ating Pagbasa mula sa Lumang Tipan (Genesis 3:1-10), matutunghayan natin kung papaanong nagtago sina Eba at Adan mula sa Panginoong Diyos matapos silang makagawa ng mabigat na kasalanan.

Takot na takot ang dalawa na magpakita sa Panginoon nang marinig nila ang yabag nito na naglalakad sa halamanan.

Matapos nilang kainin ang bunga mula sa punongkahoy na mahigpit na ipinagbilin ng Diyos na huwag na huwag silang kakain niyon.

Ang pagtatago sa taong nagawaan natin ng mabigat na kasalanan katulad sa kaso nina Eba at Adan ay isang malinaw na indikasyon na hindi lamang nahihiya tayong humarap sa kaniya.

Kundi mistulang inaamin na rin natin ang ating nagawang pagkakamali.

Sinasadya man natin o hindi ang tinatawag na “guilt” ang bumabagabag sa ating konsensiya dahil alam natin sa ating mga sarili na nakagawa tayo ng pagkakamali sa harap ng Panginoong Diyos. Kaya ito ay parang batong nakadagan sa ating dibdib.

Gayunman, kinalulugdan ng ating Panginoon ang taong umaamin sa kaniyang kasalanan at nagpapakumbaba.

Samantala kinamumuhian ng Diyos ang mga taong nagmamatigas at ayaw umamin sa kanilang mga kasalanan.

Bagkos, binibigyan pa nila ng katuwiran na para bang napilitan lamang silang gawin ito bunsod ng personal na kadahilanan.

Tandaan lamang natin na ang isang kasalanan ano pa man ang ating dahilan ay hindi natin maaaring gawin at maging tama.
Sapagkat ang isang kasalanan ay hindi kailanman magiging tama sa mata ng Panginoong Diyos.

Maaari ba natin itama ang pakikiapid, ang pagpatay, pagnanakaw, panlalait, panlalamang sa kapuwa at pang-aapi?
Kung susuriin natin ang ating Pagbasa mapapansin natin na ang Diyablo sa katauhan ng ahas na lumapit kay Eba.

Ang mali ay ginawa niyang tama. Dahil mali na kainin nila ang bunga mula sa punongkahoy na ipinagbabawal ng Diyos.

Ngunit ang mali ay itinama ng Diyablo sa pagsasabing “Hindi kayo mamamatay dahil nalalaman ng Diyos na kapag kinain niyo ang bunga ay madidilat ang inyong mga mata. At matutulad kayo sa Diyos na nakaka-alam ng mabuti at masama.”

Ganito naman talaga ang estilo ng panlilinlang Demonyo sa katauhan ng tukso. Ang pangit ay ginagawa niyang maganda.
Tulad ng pangangalunya, pagpatay, pagnanakaw at iba pang mga kasalanan.

Habang ang maganda ay ginagawa niyang pangit. Tulad ng pagsunod sa kalooban ng Diyos, pamumuhay ng matuwid, paghahasik ng pag-ibig sa ating kapuwa at iba pang mga bagay na kalugod lugod sa mata ng Panginoong Diyos.

Manalangin Tayo:
Panginoon, turuan mo po kaming maging mapakumbaba at umiwas sa kasalanan. Sa halip ay makapamuhay ng kalugod-lugod sayo.

AMEN