Manok

DA ipinagbawal importation ng manok, itlog galing Missouri, Maryland

Cory Martinez Feb 11, 2025
17 Views

PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mga domestic at wild birds at mga poultry products galing sa Maryland at Missouri, USA dahil sa outbreak ng bird flu sa dalawang US states.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., nararapat na ipatupad ang temporary importation ban dahil sa mabilis na pagkalat ng H5N1 Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa Amerika

“The quick escalation of bird flu cases in the US since its first detection demands a more extensive coverage of trade restrictions to prevent the entry of the virus,” sabi ni Tiu Laurel.

Inireport ng Deputy Administrator at Chief Veterinary Officer ng Animal and Plant Health Inspection Service ang naturang outbreak sa Maryland at Missouri noong Enero 23.

Mayroong 89 flock na nagpositibo sa bird flu samantalang umabot na sa 13.2 milyon na ibon ang apektado sa mga naturang lugar.

Sa nilagdaang Memorandum Order 7 ng kalihim, kabilang sa mga ipinagbabawal na iangkat ang karne, itlog, day-old chicks at semilya na nanggagaling mula sa mga apektadong lugar.

Sinuspinde din ang pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearances sa mga naturang produkto.

Samantala, papayagan naman makapasok sa bansa ang shipment na nasa biyahe na kapag kinatay ang mga ito 14 na araw bago ang unang outbreak.

Na-detect ang unang kaso noong Enero 14 sa Maryland samantalang ang unang outbreak sa Missouri naiulat noong Enero 14.

Pababalikin naman ang mga shipment sa kanilang pinanggalingan o i-dispose ang mga ito kapag hindi nasunod ang ban sa importation.