Kasong kriminal, impeach vs VP Sara hiwalay

15 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis Chiz Escudero na hindi makakaapekto sa impeachment proceedings sa Senado ang rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) na magsampa ng kasong kriminal laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang press conference, nilinaw ni Escudero na hiwalay ang dalawang usaping legal—ang posibleng kasong kriminal at ang impeachment process.

“Walang epekto yan sa napipintang impeachment proceedings. Walang bearing yan at walang kinalaman yan doon. Sa katunayan, pwede magpatuloy yan ng sabay, pwedeng mauna, pwedeng sumunod. Wala siyang bearing sa impeachment proceedings na isasagawa ng Senado,” aniya nang tanungin tungkol sa posibleng epekto ng imbestigasyon ng NBI.

Ipinaliwanag niya na ang impeachment trial ay may ibang proseso kumpara sa iba pang judicial o investigative proceedings. Hindi ito tulad ng mga pagsisiyasat sa Senado na nag-iisyu ng subpoena at tumatawag ng mga testigo.

“An impeachment court like any court is a passive body. Wala kaming gagawin. Hindi ito parang investigasyon ng Senado na mag-i-issue kami ng sabina para mga samang ebidensya o testigo na magpunta. Trabaho yan na magkabilang panig ng prosecution at defense kung saka-saka na hilingin yan sa Korte o NBI at trabaho din nalang ipresenta yan,” giit ni Escudero.

Dagdag pa niya, hindi pa hawak ng Senado ang buong hurisdiksyon sa kaso hangga’t hindi pa natutugunan ng Pangalawang Pangulo ang reklamo laban sa kanya.

“Wala pa kaming jurisdiction sa katauhan ng nasasakdal ni VP Sara hanggat siya hindi pa sumasagot at na-arraign,” aniya.

Tinalakay rin ni Escudero ang mga hakbang na kailangang sundin sa impeachment process. Ayon sa kanya, base sa umiiral na mga alituntunin sa Senado, maaari lamang ganap na maitalaga ang impeachment court matapos ang tamang mga proseso.

“Depende sa ilalaman ng rules. So isang boto na yan pabor doon. Wala akong particular position. Okay lang sakin either way. Ang sinasabi ko lamang sa inyo, yung dalawang yan ay posibleng mangyari at magawa, na nag-convene at nag-issue ng summons, na hindi nag-convene na nag-issue ng summons,” paliwanag niya.

Sa kabila ng bigat ng isyu, binigyang-diin ni Escudero na susundin ng Senado ang kanilang mandato nang walang impluwensya mula sa ibang usapin, at tututok lamang ito sa prosesong itinakda ng Saligang Batas sa impeachment.