Mga kaibigan sa US lumipad ng ‘Pinas para sa b-day ni Kris

Vinia Vivar Feb 15, 2025
91 Views

Nagparamdam si Kris Aquino sa kanyang Instagram followers nitong birthday niya, Feb. 14.

Ibinahagi niya ang larawan ng kanyang simpleng selebrasyon at ang mga natanggap na gift.

Mababasa sa kanyang caption na inasalto siya ng ilang kaibigan on the eve of her birthday kaya naman nagpasalamat siya sa friends niya from Orange Country, California na lumipad pa ng Pilipinas.

Nagpasalamat din si Tetay sa lahat ng naging bahagi ng kanyang recovery journey.

“I want to thank all my friends for taking time to greet me last night (asalto) and my friends from OC, who flew in. But above all — i thank you for being with me, kuya josh, and bimb during my journey towards recovery,” ani Kris.

Sa post naman ng confidante at best friend niyang si Dindo Balares sa Facebook ay ibinalita niyang sinubukan na ni Kris na magbalik sa trabaho.

“She’s back working!” ang bungad ni Dindo.

“’Yan ang latest kay Kris Aquino. Sinubukan niya the other day,” aniya.

Pero kasunod nito ay nag-bed rest si Kris for three days.

“’But we all realized — 1 day of work means 3 days of bed rest,’ kuwento niya,” tsika ni Dindo.

Hindi na siya nagsabi pa ng detalye kung ano ang work na ginawa ni Krissy.

“’Yan lang muna ang good news ko. ‘Di pa ako puwedeng magbigay ng details. Baka masabihan na naman ako ng, ‘Kung minsan daldal ka rin, Kuya Dindo,’” sey ng BFF ni Kris.

Well, the fact na kinaya ni Kris na mag-work kahit one day lang ay napakagandang senyales na. Ibig sabihin, bumubuti na talaga siya. Hopefully ay magtuloy-tuloy na ito.

‘KIMBERLY’ NAG-TRENDING

Kinilig nang bongga ang fans nina Kim Chiu at Paulo Avelino dahil sa ipinost ng aktres na bouquet of flowers na natanggap niya nitong Valentine’s Day.

Sa Instagram Story ni Kimmy ay makikita ang larawan ng huge bouquet of flowers with matching card na ang nakalagay ay “Kimberly.”

Caption ni Kim, “Sa legal papers ko lang nakikita totoong pangalan ko. Muntik ko na makalimutan sino si Kimberly! Ako pala yun.”

Bagama’t hindi na sinabi ng Chinita Princess kung sino ang nagpadala sa kanya ng bulaklak, sure na sure ang KimPau fans na si Paulo ito.

Kaagad namang nag-trending ang pangalang “Kimberly” sa X na ikinagulat din ni Kim.

Ipinost ng aktres ang screenshot ng trending na “Kimberly” name sa X at hindi siya makapaniwala na siya ‘yun.

“Hala!!! Ako ba yan??? Kimberly kasi ako! Chinese ba yan?” caption ni Kimmy.

Sumagot naman ang kanyang fans na siya nga talaga ‘yun.

“Yes Kimmy ikaw na ikaw yan. Yung nakatanggap ng flowers from Paulo Avelino with note KIMBERLY! naiiyak na kasi kami sa tuwa for you kaya effortless yung pagtrending ng KIMBERLY,” sey ng isang fan.