Atty. Jeff Coronel

Kumpyansa at Dahas

Jeff Coronel May 5, 2022
281 Views

IILANG araw na lang at ang Pililpinas ay magkakaroon na ng mga bagong lider. Maliwanag na sa iilan ang magiging resulta ng halalan, at kung pagbabatayan ang mga survey ay klaro na kung sino-sino ang uupo sa una at pangalawang posisyon ng pambansang gobyerno. Sa layo ng agwat mula sa pumapangalawa, hindi mapagkakailang si Sara Duterte ay makakaroon ng landslide victory laban sa kanyang mga katunggali. Nangunguna si Sara sa lahat ng island groups sa buong bansa. Kung walang malaking pangyayaring makakaimpluwensya sa kasalukuyong pulso ng sambayanan, masasabing meron na tayong Bise-Presidente Sara Duterte.

Subalit hindi ito ang nasa isip ni Duterte. “We are always running scared.” Ito ang pahayag ni Duterte sa isang panayam kung saan sinabi niyang dapat hindi maging kumpyansa ang mindset ng UniTeam, at dapat patuloy na magsumikap sa pangagampanya. Sa iba ay maaaring sigurista, pero nagpapakita ito ng pagpapakumbaba si Sara.

Sa kabilang banda, nakakakabahala ang naging pahayag ng presidential aspirant na si Leni Robredo ukol sa estado ng kampanyang Leni-Kiko. Ayon kay VP Leni, “Sigurado na ang panalo namin ni Kiko, kung madadaya at matatalo kami, magkakagulo.”– isang payahag at kumpyansang walang basehan at taliwas sa lumalabas sa mga kinikilala at pinagkakatiwalaang survey. Saan kaya nanggagaling ang kumpyansa ni VP Leni?

Kung pagbabasehan lamang ang rallies ng mga kakampink, marahil ay hindi naman bulag ang presidential aspirant sa katotohanan. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na ang karamihan sa mga dumadalo sa rally ay interesado lamang sa mga artista at libreng concert, kung hindi man hinakot ng mga organizers at mga pulitikang sumusuporta sa kanila.

Sa tatlong lugar lang nananalo ang Kakampink laban sa Uniteam– sa Social and Mainstream Media, sa mga eskwelahang pinamumugaran ng mga makakaliwa, at sa isip ng mga campaign advisers.

Kung pagbabatayan ang mga ito, malaking katanungan ang kumpyansa ng pangalawang pangulo. At kung pagbabasehan ang mga surveys, walang mangyayaring dayaan at tuluyan ng manalo ang UniTeam, magkakagulo na ba, tulad ng pinahayag ni VP Leni? Paano at sino-sino naman ang manggugulo? Ang minoryang boboto sa kanila o may iba pang aasahang makikisali sa gulong pinangungunahan na ng bise presidente?

Kamakailan lamang ay nagpahayag ang pinuno ng CPP-NPA-NDF na si Joma Sison na sinusuportahan ng kilusan ang kampanya ng bise-presidente. Pinangalanan din niya ang mga grupong sumusuporta kay VP Leni na nakikiisa sa ideyolohiya ng CPP-NPA-NDF. Bago pa man ito, iilang kasalukuyan at dating mga kasapi ng kilusan ang nagbunyag na ang mga rallies ng mga Kakampink ay pinupuntahan at sinusuportahan ng grupo. Tahasan mang itinatanggi ito ni VP Leni, hindi makakaila ang mga salitang binitiwan ni Joma.

Sa taas ng kasiguruhan ng panalo ng UniTeam, sa banta ni Leni, at sa pagsali ng CPP-NPA-NDF sa eksena, dapat ba tayong mabahala? Hindi pa kasali dito ang dayaan kung saan kilala ang kabilang kampo. Ano ang aabangan?

Isa lang ang sigurado, si Sara ay mananalo. Pero sa banta ng isang desperadong kandidato, ngayon, higit sa kailanman, ay kailangang maipakita na ang panalong Marcos at Duterte ay hindi daya. Kailangan ang bawat boto para lampasuhin ang mga kalaban at hindi na bigyan pa ng rason para magduda sa kanilang pagkatalo.

Kailang lumabas, mangampanya, at bumoto.