Edd Reyes

Mas maraming Pinoy pabor na ituloy impeachment trial, VP Sara di na pwede isnabin

Edd Reyes Feb 26, 2025
20 Views

KUNG dati ay dedma lang si Vice President Sara Duterte nang ma-impeach ng Kamara, mukhang dinaga na rin ang Bise Presidente kaya nagpasaklolo na siya sa Korte Suprema para harangin ang paglilitis laban sa kanya.

Todo-ngiti pa nga noon si VP Sara nang ihayag ang kanyang hugot na mas masakit pa raw ang iwanan ng syota kesa ma-impeach ng Kamara. Pero iba na ngayon ang tono ng kanyang pananalita sa inihaing petisyon sa Korte Suprema sa paniwalang nilabag daw ng Kamara ang one year ban nang ihain ang ika-apat na impeachment case.

Dagdag pa marahil rito ang mga naglabasang survey na mas maraming Pinoy ang pabor na matuloy ang impeachment trial laban sa Bise Presidente kaya siguro ipinasiya niya na personal ng magtungo sa Korte Suprema para maghain ng petisyon, kasabay ng hiling na Temporary Restraining Order (TRO) ng mga kakampi nilang mga abogado mula sa Mindanao, dahil depektibo raw ang impeachment complaint ng Kamara.

Marami ang naniniwala na suntok sa buwan ang petisyon ng Bise Presidente dahil may nauna ng desisyon ang Korte Suprema na magsisimula lamang ang one year ban sa mga impeachable officials sa oras na maipadala na ito sa House Committee on Justice kaya ang tatlong naunang impeachment case na natulog lang sa Office of the House Secretary General ay hindi pa maibibilang sa one year ban.

Kung magbibitiw naman sa puwesto si VP Sara bago pa simulan ang impeachment trial, tiyak na hahantong din ito sa debate dahil may pahayag na ang mga Tagausig na tuloy pa rin ang paglilitis at kapag napatunayang guilty ang Bise, hindi na rin siya makakatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.

Yun nga lang, tiyak na pagdedebatehan ito dahil may mga nauna ng pangyayari tulad ng ginawa ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez na nagbitiw noong Abril 2011 bago ang paglilitis sa impeachment case na isinampa laban sa kanya, pati na rin kay dating pangulong Erap Estrada na napatawan pa nga ng reclusion perpetua ng Sandiganbayan sa kasong plunder pero nakatakbong muli sa halalan nang mabigyan ng pardon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

DSWD, gamit na ang digitalization technology sa pagbibigay serbisyo.

MAGANDA at epektibo ang ipinatupad na paggamit ng makabagong teknolohiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mabilis na pagbibigay ng serbisyo.

Gamit na ngayon ng DSWD ang sariling website sa pagtanggap ng donasyon, pati na rin ang inilunsad na one-stop-shop online system na bahagi ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos para sa mabilis na pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.

Pinuri nga ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, Chairman ng Information and Communication Technology ng Kongreso ang programa ng DSWD kasabay ng paghimok sa iba pang sangay ng pamahalaan na sumunod din sa paggamit ng digitalization technology upang maging mabilis din ang kanilang pagbibigay ng serbisyo.

Binanggit ni Tiangco ang Harmonized Electronic License and Permit System o HELPS ng DSWD na sa loob lamang ng 20-minuto ay natatanggap ng ng mga kliyente ang kanilang kinakailangang dokumento na dati’y nakukuha nila sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan dahil sa dami ng tanggapn at mga kakausaping tao na kanilang dapat puntahan,

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].