Calendar

Lolo, lola lumahok sa Kasalang Bayan sa Pasay
MAHIGPIT na yakap at halik ang ipinadama ng 60-anyos na lolo sa kanyang 59-anyos na asawa matapos ang seremonya ng kanilang kasal sa ginanap na Kasalang Bayan na inihabol sa “Love Month” Miyerkules ng umaga sa Pasay City.
Kabilang sina Lolo Dioscorro Robillo at Lola Pilar Duque na 30-taong ng nagsasama ng hindi sumailalim sa matrimonya ng kasal sa 43-pares na sabay-sabay nagpalitan ng “I do” sa idinaos na mass wedding na itinaguyod ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na sya ring tumayong “Ninang” ng mga ikinasal.
Sa kabila ng hindi pagpapakasal, naging matatag ang pagsasama nina Lolo Dioscorro at Lola Pilar matapos mabiyayaan ng apat na anak at apat na apo na silang humimok sa dalawa upang samantalahin ang alok ng lokal na pamahalaan na libreng kasal na idinaraos sa lungsod tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero.
Ayon kay Mayor Emi, libre ang lahat ng kinakailangang dokumento sa mga lumahok sa Kasalang Bayan, kasama na rito ang certified true copy ng marriage license, libreng bouquet, aras, konting handaan at may wedding gift pa sila, hindi lamang mula sa alkalde, kundi sa mga dumalo ring mga konsehal na kabilang sa “Team Calixto”.
Sinabi pa ng alkalde na ang pagpapakasal sa mga magsing-irog na matagal ng nagsasama ay makakatulong, hindi lamang sa pagiging lehitimo ng kanilang mga magiging supling, kundi makakatulong din ito sa lipunang kanilang ginagalawan.