Senate

Mas maagang impeach trial hiniling

13 Views

KINUWESTYON ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang iminungkahing iskedyul ni Senate President Francis “Chiz” Escudero para sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, iginiit na dapat itong simulan nang mas maaga sa halip na sundin ang itinakdang Hunyo 2.

Ayon kay Pimentel, may kapangyarihan ang Senado na magtipon bilang impeachment court anumang oras at hindi kailangang nasa isang legislative session, salungat sa pananaw ni Escudero.

“We, as the Senate, can convene at any time as an impeachment court. It is actually a court session, not a legislative session,” ani Pimentel.

Ngunit nanindigan si Escudero na dapat ay nasa isang legislative session ang Senado bago ito makakilos sa impeachment, kaya itinakda ang paglilitis sa Hunyo 2, kasabay ng pagbabalik ng sesyon.

Iminungkahi ni Pimentel ang pagdaraos ng caucus upang alamin kung may mga senador na sumasang-ayon sa interpretasyon ni Escudero o kung nais nilang simulan ang paglilitis nang mas maaga.

Binatikos din niya ang pagkakaantala ng proseso, iginiit na iniuutos ng Saligang Batas na dapat agad simulan ang impeachment proceedings.

Sa kabila ng kanyang pagtutol, inamin ni Pimentel na limitado ang kanyang kakayahan na itulak ang mas maagang paglilitis dahil sa suporta ng mayorya sa posisyon ni Escudero.

“If the majority agrees with the Senate President, I have no choice. I cannot hold a session with just me and Deputy Minority Leader Risa Hontiveros,” aniya.

Dahil nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Hunyo at magbubukas ang Ika-20 Kongreso sa Hulyo, binigyang-diin ni Pimentel na maaaring lumagpas ang impeachment proceedings sa kasalukuyang Kongreso, na maaaring magdulot ng karagdagang pagkaantala.

Gayunpaman, sinabi niyang kahit mas maagang simulan ang paglilitis, hindi pa rin tiyak kung kailan ito matatapos.

Binigyang-diin niya na hindi dapat madaliin ang impeachment process, ngunit dapat itong simulan sa lalong madaling panahon alinsunod sa mga itinakda ng Konstitusyon.