Rep. Jude Acidre TINGOG COMMITTED TO CANCER CARE — Sa kanyang mensahe sa 2025 Philippine National Cancer Summit, iginiit ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na kailangan ang sama-samang pagsisikap upang matiyak ang accessibility, affordability at suporta para sa mga pasyenteng may kanser. Sa suporta ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, naisulong ng Tingog Party-list ang buong pondo para sa Cancer Assistance Fund sa 2024 at 2025.

Panawagan ni Acidre: Early detection, abot-kayang gamot, gabay sa pasyente

60 Views

Rep. Jude AcidreISINULONG ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang pagkakaroon ng holistic at patient-centered approach sa mga pasyenteng may kanser upang maging abot-kaya ang presyo ng gamot, mabigyan ng tulong pinansyal ang mga nangangailangan at magabayan ang mga pasyente sa pagharap sa isang mahabang gamutan.

Sa 2025 Philippine National Cancer Summit, iginiit ni Acidre na ang pagpapabuti ng pangangalaga sa mga pasyenteng may kanser sa bansa ay hindi lamang patungkol sa pagtatayo ng mga ospital, kundi nangangailangan ng sama-samang pagsisikap upang matiyak ang accessibility, affordability at suporta para sa mga pasyente sa bawat yugto ng kanilang laban.

“Fighting cancer is more than just medical treatment—it’s about making sure no Filipino faces this battle alone,” ani Acidre sa ginanap na talakayan na may paksang “Collaborative Action for a Stronger Cancer Care Ecosystem: Moving Forward.”

Cancer Care na malapit sa pamayanan

Binigyang-diin ni Acidre ang hirap ng mga pasyente sa probinsya na bukod sa panggastos sa pagpapagamot ay kinakailangang maglaan para sa pamasahe upang makapunta sa ospital.

“For many Filipinos, specialized cancer treatment is out of reach—either too far, too expensive or too complicated to navigate,” paliwanag nito.

Upang matugunan ito, sinuportahan ng Tingog Party-list ang pagtatayo ng cancer centers sa iba’t ibang rehiyon, tulad ng Benjamin T. Romualdez Cancer Center sa Maynila at Eastern Visayas Cancer Center sa Tacloban, upang gawing mas accessible ang gamutan at mabawasan ang pagdepende sa Metro Manila.

“These are not just buildings—they represent a fundamental shift in how we deliver cancer care, ensuring that no Filipino is left behind,” wika ni Acidre.

Di malulugmok sa gastusin

Ayon kay Acidre, maraming pamilya ang nalulubog sa utang o nagigipit dahil mahal ang pagpapagamot ng pasyenteng may kanser.

“Cancer doesn’t just weaken the body—it can wipe out a family’s savings. This funding ensures that patients can focus on getting well without being burdened by overwhelming costs,” saad nito.

Sa suporta ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, naisulong ng Tingog Party-list ang buong pondo para sa Cancer Assistance Fund (CAF) sa 2024 at 2025.

Ang CAF ay tumutulong sa gastos sa pagsusuri, gamutan at gamot para sa mga pamilyang walang kakayahang magpagamot.

Patuloy na gabay sa pasyente

Ayon kay Acidre, mahalaga ang paggabay sa mga pasyente tulad ng mismong gamutan, lalo na para sa mga pamilyang nahihirapang unawain ang sistema ng pangkalusugan.

Sa tulong ng 210 centers ng Tingog sa buong bansa, tinutulungan ng party-list ang mga pasyente ng kanser na makahanap ng medikal na tulong, espesyalistang doktor at suportang pinansyal mula sa gobyerno, upang hindi sila mag-isa sa kanilang laban.

“We must make it easier for patients and their families to find the right care—not harder. Our goal is to ensure that no patient is lost in a system that should be working for them,” saad pa ni Acidre.

Kasama sa mga cancer-related services ng Tingog sa kanilang mga center ang pagtulong sa AICS medical aid applications, pagproseso ng pondo para sa diagnostic tests at gamutan, at pakikipag-ugnayan sa regional cancer centers para sa mas mabilis na referrals.

Higit pa sa individual assistance, ang Tingog ay regular na nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, ospital at medical organizations upang dalhin mismo sa mga komunidad ang cancer screening, lalo na sa mga liblib na lugar na may limitadong access sa preventive care.

Maagang pagtuklas ng kanser

Ayon kay Acidre, maraming Pilipino ang huli na nang matuklasan ang sakit, kaya mahalaga ang maagang pagsusuri upang maiwasan ang malubhang kondisyon.

“By investing in prevention and early diagnosis, we can significantly increase survival rates and reduce the burden of late-stage cancer cases,” saad nito.

Tulong sa maagang pagsusuri

Upang matulungan ang mga pasyente, aktibong sinusuportahan ng Tingog ang mga community-based health mission na nagbibigay ng libreng cancer screening para sa breast, cervical at lung cancer, lalo na sa mga komunidad na may limitadong access sa serbisyong medikal.

Suportado rin ng Tingog ang mga programa tulad ng Mission Leapfrog at Screen to Beat Lung Cancer, na nagdadala ng maagang pagsusuri at kampanya sa mga lugar na kulang sa serbisyong pangkalusugan.

Binigyang-diin ni Acidre ang kahalagahan ng pagpapabilis ng pagdating ng life-saving cancer drugs sa mga pasyente.

Dahil dito, mariing sinusuportahan ng Tingog Party-list ang pagpasa ng Pharmaceutical Innovation Act, isang panukalang batas na naglalayong gawing mas mabilis at mas epektibo ang proseso ng clinical trials, bawasan ang mabagal na regulatory approvals, at tiyaking mas madaling maabot ng mga Pilipino ang makabagong gamot laban sa kanser.

“The fight against cancer does not end at diagnosis. It requires access to the latest, most effective treatments—and that means ensuring Filipino patients don’t have to wait years to benefit from medical breakthroughs,” ayon pa kay Acidre.

Kung maipapasa, ang panukalang ito ay magpapalakas sa pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa pananaliksik ng mga bagong gamot, habang sinisigurong mananatiling abot-kaya ang makabagong paggamot upang mabigyan ng mas magandang pagkakataon ang mga pasyenteng may kanser.

Karapatan sa Cancer Care

Nanawagan si Acidre sa mga health leaders, policymakers at advocates na magkaisa sa pagtatag ng isang cancer care system na abot-kaya at bukas para sa lahat, anuman ang estado sa buhay o lokasyon.

“This fight is not just about better hospitals or bigger budgets—it is about ensuring that every Filipino, regardless of their location or financial status, gets the care they deserve,” giit pa ni Acidre.

Nanawagan siya sa lahat ng sektor na magsama-sama para sa konkreto at pangmatagalang hakbang upang matiyak na ang komprehensibong pangangalaga sa kanser ay maging isang karapatan para sa lahat, at hindi lamang para sa iilan.

“Tingog Party-list stands firm in this commitment—not just in policy, but in real action. But we cannot do it alone. We need everyone—leaders, healthcare providers, advocates, and survivors—to stand with us,” pagtatapos ni Acidre.