Calendar

2-anyos ginawang human shield ng kelot, suspek timbog
ARESTADO ang isang lalaki na nang-hostage ng dalawang-taong-gulang na batang babae, sugatan naman ang kaniyang ama matapos tagain ng suspek nitong Martes ng gabi sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Batay sa report ng Holy Spirit Police Station 14 nangyari ang insidente pasado alas diyes ng gabi, sapilitang pumasok umano ang suspek sa bahay ng mga biktima at tinaga ang tatay ng biktima gamit ang itak.
Mabilis namang nakatakbo ang nanay ng bata upang humingi ng saklolo, kaya’t agad na tumawag ang Barangay sa Police Station 14.
Sa tangkang makatakas, ginawang human shield ng suspek ang dalawang-taong-gulang na anak ng mag-asawa at inutusan pa ang lolo ng biktima na ipagmaneho siya ng jeep.
Agad na hinabol ng rumespondeng mga pulis ang tumatakas na suspek sakay ng jeep.
Matapos ang ilang minuto ay na-corner nila ang suspek sa kanto ng Quezon Avenue at Elliptical Road.
Nailigtas ang bata habang kinuyog ng taumbayan ang suspek.
Ayon sa mga taga-barangay, sinubukan pa raw lumipat ng ibang sasakyan ng suspek.
Sa kabila ng paglaban ng suspek, agad siyang napasuko ng mga rumespondeng pulis kung saan narekober rin mula sa kanya ang isang kutsilyo.
Dinala ang suspek sa Quezon City General Hospital para sa agarang medikal na paggamot, habang si Carlos Malinao ay isinugod sa East Avenue Medical Center matapos magtamo ng sugat sa kanang braso.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at siya’y nahaharap sa mga kasong Tatlong Bilang ng Attempted Murder, Grave Threats, Malicious Mischief, Disobedience/Resistance to an Agent of a Person in Authority, at Alarms and Scandals.
“Pinupuri ko ang Holy Spirit Police Station 14 sa pangunguna ni PLTCOL REY TAD-O sa kanilang mabilis na pagresponde, na nagresulta sa agarang pagka-aresto ng suspek. Ito ay patunay na ang Pulis Kyusi ay laging handang rumisponde sa anumang klase ng insidente,” ani PCOL MELECIO BUSLIG, JR.