Calendar
Ang totoong kapayapaan
Ang kapayapaang ibinibigay ni Hesus ay ang kapayaan ng ating puso’t isipan na hindi kayang ibigay ng mga materyal na bagay na mayroon tayo (Juan 14:27-31)
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo, huwag na kayong mabalisa, huwag na kayong matakot”. (Juan 15:27)
MADALAS sinasabi ng mga taong namumuhay sa kahirapan na masuwerte daw ang mga mayayaman. Sapagkat ang paliwanag nila, ang lahat ng magagandang bagay na mayroon dito sa ibabaw ng lupa ay tinataglay ng mga taong ito.
Samantalang sila daw ay mistulang pinagkaitan ng magandang kapalaran at oportunidad. Dahil naging mailap sa kanila ang suwerte, kung ano ang kasaganaang tinatamasa daw ng mga taong nakakariwasa sa buhay. Ganoon na lamang kailap ang magandang kapalaran para sa kanila.
Ngunit batid niyo bang may ilang mayayaman ang naiinggit pa sa mga mahihirap? Bagama’t may ilan sa kanila ang namumuhay lamang sa payak o simpleng pamumuhay. Ito ang isang bagay na nais sanang maranasan ng mga “may-kaya” sa buhay.
Sapagkat ang isang bagay na mayroon ang mga mahihirap na wala naman sa mga taong mayayaman. Ito ay ang “kapayapaan ng puso’t-isipan (Inner peace)”.
Maaaring ang lahat ng magagandang bagay kagaya ng salapi at materyal na bagay ay kasalukuyang tinatamasa ng isang taong milyonaryo o bilyonaryo.
Subalit ang problema ay hindi naman sila masaya. Sapagkat wala silang nararandamang kapayapaan (peace of mind and heart) sa kanilang pamumuhay. Lagi silang balisa at nag-aalala.
Nababalisa sila dahil hindi nila malaman kung saan nila ilalagak ang napakarami nilang pera, nababalisa sila dahil hindi nila malaman kung paano nila iingatan ang kanilang mga ari-arian laban sa mga taong mapagsamantala.
Nababalisa at masyado silang nag-aalala sapagkat hindi nila alam kung kanino nila ipapamana ang lahat ng kanilang mga ari-arian. Maaaring nasa kanila na nga ang lahat ng magagandang bagay dito sa ibabaw ng mundo.
Subalit ano pa ang silbi nito kung hindi naman sila payapa at hindi sila makatulog sa gabi dahil sa sobrang pag-aalala at depresyon? Ano ang katuturan ng kamayaman kung wala ka naman nararamdamang kapayaan sa buhay?
Mas mainam pa pala ang mga taong mahirap. Kahit tuyo at sardinas lamang ang kanilang pinagsasaluhan. Payapa naman silang nakakatulog sa gabi, hindi sila nakakaramdam ng pagkabalisa at wala silang ipinag-aalala.
Ito ang mensahe ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 14:27-31) matapos niyang sabihin sa mga Alagad na “Kapayapaan ang kaniyang iniiwan at ang kaniyang kapayapaan ang kaniyang ibinibigay. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay sa atin ng mundo”.
Ang kapayapaang ipinagkakaloob ng mundo ay ang kapayapaan kapag mayroon kang salapi, magarang damit, masarap na pagkain, magarang sasakyan at maraming ari-arian. Subalit ang tanong: Paano kung biglang maglaho o kaya naman ay biglang maubos ang mga bagay na ito?
Talagang magiging payapa at komportable ang uri ng pamumuhay ng isang taong nagtatampisaw sa kasagaan. Ngunit naka-angkla at nakakabit lamang sa mga materyal na bagay ang “kapayapaang” tinatamasa niya sa buhay.
Magiging payapa ang buhay ng isang hangga’t naririyan ang kaniyang kayamanan.
Subalit ang “kapayapaang” tinutukoy ni Hesus sa Ebanghelyo ay hindi ang kapayapaang naka-angkla sa mga materyal na bagay. Kundi naka-angkla sa pananampalataya sa kaniya bilang ating Panginoon at tagapag-ligtas.
Matatagpuan natin ang totoong “kapayapaan” kung papapasukin natin si Hesus sa ating buhay. Sapagkat ang tunay na kapayapaan ay matatagpuan lamang natin kay Kristo. Hindi kailanman tayo magiging payapa kung wala tayong kinikilalang Diyos.
Hindi kayang tumbasan ng salapi ang kapayaan ng puso at isipan (Inner peace) na tanging si HesuKristo lamang ay maaaring magbigay. Kung tatanggapin natin siya sa ating buhay.
Winika nga ni San Augustine ng Hippo na: “Human beings cannot find inner peace apart from God because of his belief that God created human nature. In his account, human beings were made to seek God and find peace in God; thus, the search for God is not foreign to us but rather built into our very being”.
AMEN