Magsino

Magsino nababahala sa kalagayan ng 152,000 OFWs sa Taiwan sakaling sumiklab ang kaguluhan

Mar Rodriguez Apr 3, 2025
41 Views

Magsino1Magsino2Magsino3Magsino4NAGPAHAYAG ng pagkabahala si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa tinatayang 152,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan sakaling sumiklab ang napipintong digmaan sa nasabing bansa.

Dahil dito, nananawagan si Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) upang makapaglatag agad ang pamahalaan ng malinaw na contingency plan para sa kaligtasan at kapakanan ng libo-libong OFWs sa Taiwan.

Hinihiling din ng kongresista sa MECO na manatiling mapagmatyag at patuloy na makipag-ugnayan sa iba’t-ibang mga ahensiya sa Taiwan upang matiyak ang seguridad ng mga Pilipino sa naturang bansa sa gitna ng napipintong kaguluhan kung saan kailangan aniyang maging handa ang Pilipinas.

Gayunman, nakikiisa si Magsino sa naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner patungkol sa kahandaan ng ating bansa sa anomang mangyayari sa Taiwan. Bagama’t wala pa naman agarang banta ng kaguluhan.

Sabi pa ni Magsino na mahalaga rin aniya na mapaghandaan ang posibleng epekto ng digmaan sa mga karatig bansa ng Taiwan sa hilaga at Timog-Silangang Asya gaya ng Japan, South Korea at Malaysia kung marami rin OFWs ang nagta-trabaho sa mga bansang ito na maaaring maapektuhan.

Samantala, binisita at ininspeksiyon ni Magsino ang ipinatayong Multi-Purpose Building ng OFW Party List sa Barangay III-Poblacion Himamaylan City na nagkakahalaga ng P5 million.

Pinangunahan ng kongresista ang pagpapasinaya ng nasabing infrastructure project na magsisilbing socio-civic center para sa mga residente partikular na para sa mga OFWs at kanilang pamilya para mapalawak ang mga serbisyo at programa sa kanilang komunidad.