Sen. Pacquiao

Pagkakasagip ng pamahalaan sa mga OFWs na biktima ng human trafficking sa Myanmar pinapurihan ni Pacquiao

Mar Rodriguez Apr 3, 2025
38 Views

PINAPURIHAN ng tinaguriang “The People’s Champ” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang pamahalaan dahil sa matagumpay na pagkakasagip nito sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pawang mga biktima ng human trafficking sa Myanmar.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Pacquiao ang mga Pilipino lalo na ang mga OFWs na na maging maingat at mapanuri sa kanilang mga inaaplayang trabaho sa ibayong dagat para hindi sila maging biktima ng human trafficking.

Binigyang diin ni Pacquiao na kinakailangan na talagang magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa human trafficking kabilang na ang illegal recruitment na walang habas na bumibiktima ng mga inosenteng Pilipino na ang tanging hangarin lamang ay makapag-abroad upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.

Sabi pa ng dating Senador na napakahalagang mabigyan ng ngipin ang mga umiiral na batas para papanagutin ang mga grupo o sindikato na bumibiktima ng kanilang mga kapwa Pilipino na para sa kaniya ay isang napakasakit na pangyayari dahil ang mismong mga kababayan natin ang nasa likod ng nasabing modus.

“Hindi ba’t napakasakit nun, ang mismong mga kababayan mo ang nangloloko at nagpapahamak sayo? Ang tanging hangarin lamang ng ating mga kababayan ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang ang kanilang pamilya tapos ganito pa ang sasapitin nila,” wika ni Pacquiao.

Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang siyang nanguna at nangasiwa sa pagpapa-uwi sa may 178 OFWs na biktima ng human trafficking habang nakatuwang naman nito ang Department of Migrant Workers (DMW).

To God be the Glory