Calendar

942 ‘peke’ na tumanggap ng confi fund iimbestigahan ng Kamara
BUKOD sa mga kahina-hinalang pangalan, nais din malaman ng Kamara de Representantes kung ang mga pangalang inilistang recipient at mayroong rekord sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay totoong may natanggap na confidential funds mula kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, isinasailalim ngayon sa pagsusuri ang 670 pangalan mula sa mga acknowledgment receipt ng Office of the Vice President (OVP) at 272 pangalan mula sa Department of Education (DepEd), o kabuuang 942 indibidwal na kinumpirma ng PSA na mayroong rekord sa kanilang database.
“So, we will do our own siguro mini-investigation pero nandyan naman po iyan sa committee level na so makaka-request naman po tayo,” ayon kay Ortega.
Mula sa 1,992 na umano’y nakatanggap ng confidential funds sa OVP, sinabi ni Ortega na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records at 1,593 ang walang death records.
Ayon din kay Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, may 405 sa 677 pangalan sa DepEd confidential funds list ni Duterte ang walang birth records, na malinaw na indikasyon umano ng pekeng pagkakakilanlan.
Dagdag pa ni Ortega, mahalagang matukoy kung tunay ang mga taong ito at kung sila ay tunay na nakatanggap ng pera.
“Maganda rin pong malaman kung nakatanggap nga po ba sila o hindi,” saad ni Ortega.
Sinabi rin niyang kasalukuyan pa ring nirerepaso ang humigit-kumulang 4,000 acknowledgment receipts dahil sa dami ng pangalan.
“Well, madami po ‘yung pangalan eh. So, parang ano nga eh, parang teleserye hind iba? Pakonti-konti may lumalabas. So again, we have to verify. Mas maganda naman po na sigurado po tayo na itong mga pangalan na ‘to eh meron or wala pong records,” paliwanag ng mambabatas.
Iginiit din ni Ortega na tila bihasa na umano ang kampo ng Pangalawang Pangulo sa paghawak ng confidential funds, dahil dati na rin umano itong nakahawak ng katulad na pondo noong siya’y alkalde ng Davao City.
“Well, tingin ko sanay na sila. Alam nila kung paano patakbuhin ‘yung ganitong sistema. More specifically ‘yung sa confidential funds. Sinadya man o hindi, alam nila ‘yung gagawin nila. ‘Yun lang ang aking opinion tungkol dito. May mastery na siguro,” giit ni Ortega.
Nang tanungin tungkol sa kahina-hinalang mga pangalan, sinabi niyang tila may pattern ito na nagpapakitang sinadya ang paggamit ng mga ito.
“Well, tingin ko sanay na sila. Alam nila kung paano patakbuhin ‘yung ganitong sistema,” aniya.
“You would assume na gano’n. Kasi nga po mula pa sa LGU (local government unit) level hanggang dito sa national level may certain form of mastery,” dagdag pa ni Ortega.
Sinabi rin ni Ortega na kung humiling lamang ang kampo ni Duterte ng executive session, maaaring pinagbigyan sila ng Kamara.
“Actually nasabi ko ‘yan eh, sa isang interview, na kung humingi sila ng executive session… Pero they had all the time, they had all the chances, sabi nga nila. Pero wala eh, naging show ‘yung, nagkaroon ng puro drama,” aniya.
Giit ni Ortega, maraming pagkakataon ang OVP upang ipaliwanag ang paggamit ng confidential funds, ngunit hindi nila ginawa.
“Ang hirap po na tantyahin ‘yung kada-hearing noon, kasi nga laging may ano eh, pagdating dyan sa part na ‘yan hindi na po klaro lahat, wala pong kasagutan. Hanggang ngayon wala pa pong sagot,” saad niya.
Binigyang-diin din niya na ang mga isyung ito ay maaaring masagot lamang sa pamamagitan ng kasalukuyang proseso ng impeachment.
“Kaya nga sabi ko, sa impeachment na rin siguro magkakaroon ng mas klaro na kasagutan tungkol dito,” pahayag ng solon.
Lalong tumindi ang kontrobersiya kaugnay sa confidential funds ni Duterte matapos matuklasan ang mga kahina-hinalang pangalan sa mga dokumento ng OVP—marami sa mga ito ay tila biro lamang o ginaya mula sa mga pangalan ng grocery items.
Ibinunyag ni Ortega nitong Linggo ang mga bagong diumano’y pekeng pangalan na umano’y nakinabang sa confidential funds, tulad nina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas at Joel Linangan mula sa OVP; at Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan at Gary Tanada mula naman sa DepEd.
Kabilang sa tinaguriang “Team Grocery” ang mga pangalan tulad nina Beverly Claire Pampano, Mico Harina, Ralph Josh Bacon, Patty Ting at Sala Casim.
Samantalang kabilang naman sa “Team Amoy Asim” sina Amoy Liu, Fernan Amuy at Joug De Asim.
Ipinunto rin ng Kamara ang mga pangalan gaya ni Mary Grace Piattos, na tila kombinasyon ng pangalan ng isang bakery at snack food, at Xiaome Ocho, na kahawig ng isang kilalang brand ng smartphone.
Kung sinadyang gumamit ng mga pekeng pangalan, iginiit ni Ortega na dapat ay sinunod ang tamang proseso.
“Napaka-simple naman po—susundin lang ‘yung guidelines, may paraan po diyan sa paggamit ng confidential funds, meron pong dapat sundin tungkol diyan,” aniya.