Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Influencer Ang influencer na si Vicente Bencalo “Pebbles” Cunanan sa pagdinig ng House Tri-Committee.

Influencer dinawit Harry Roque sa ‘polvoron video’

36 Views

MAGALING ako magpabagsak ng gobyerno.”

Inakusahan ng isang social media influencer si dating presidential spokesperson Harry Roque ng pagiging utak sa pagpapakalat ng isang kontrobersyal na video na umano’y nagpapakita kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumagamit ng iligal na droga, na tinukoy niyang bahagi ng isang planadong kampanya upang pabagsakin ang administrasyon.

Sa isang sinumpaang salaysay na isinumite sa House tri-commitee hearing nitong Martes, sinabi ng influencer na si Vicente Bencalo “Pebbles” Cunanan na ang nasabing video—na kilala bilang “polvoron video”—ay bahagi ng isang orchestrated na hakbang upang sirain ang kredibilidad ni Marcos at pukawin ang galit ng publiko laban sa kanyang administrasyon.

“Ako ay naniniwalang si Atty. Roque ang orihinal na pinagmulan ng polvoron video at na siya ang nagpakalat nito sa publiko upang sirain ang kredibilidad ng Pangulo,” ayon sa sinumpaang salaysay ni Cunanan.

“Ang labis ko ding natandaan noong gabing iyon ay nang sabihin ni Atty. Roque na ‘Magaling ako magpabagsak ng gobyerno’,” sinabi ni Cunanan.

“Base sa pagkaintindi ko, at dahil iyon ang isa sa mga pinag-usapan ng gabing iyon, ang pagpapakalat ng video na kung saan gumagamit diumano ng cocaine si PBBM ay parte ng sinasabi ni Atty. Roque na pagpapabagsak ng gobyerno,” dagdag pa niya.

Ang tri-comm, na binubuo ng mga komite ng Kamara sa public order and safety, information at communications technology, at public information, ay nagpatuloy ng pagdinig nitong Martes hinggil sa fake news at disinformation sa social media.

Ayon kay Cunanan, ang pahayag na ito ay ginawa sa isang pribadong salo-salo sa Hong Kong noong Hulyo 7, 2024, matapos ang isang pro-Duterte na kaganapan na tinawag na Maisug Rally.

Kasama sa pagtitipon sina Roque, dating executive secretary Vic Rodriguez at mga influencer na sina Atty. Glen Chong, Atty. Trixie Cruz-Angeles, Dr. Lorraine Badoy, Sass Rogando Sassot, Joie de Vivre at Tio Moreno.

Sinabi ni Cunanan na sa pagkain noong gabing iyon, ibinunyag ni Roque na nakatanggap siya ng screenshot mula sa kamag-anak ng isang politiko na nagpapakita ng isang lalaking tila si Pangulong Marcos na gumagamit ng cocaine.

“Noong gabing ito, sinabi ni Atty. Roque na siya ay nakatanggap mula sa kamag-anak ng isang politiko ng isang screenshot ng video kung saan makikita si PBBM na gumagamit ng cocaine,” ayon sa sinumpaang salaysay.

Bagama’t hindi ipinakita ni Roque ang imahe noong gabing iyon, sinabi ni Cunanan na nagkaroon ng diskusyon ang grupo kung paano ilalabas ang video sa publiko nang hindi nila ilalantad ang kanilang mga sarili sa pananagutan.

“Nagkaroon ng mga diskusyon tungkol sa pagpapakalat ng video na ito sa publiko,” aniya. “Ayon sa aking rekoleksyon, mayroon pa ngang naging usapan na isang foreign influencer o vlogger ang dapat mag-post o panggalingan ng video para magmukhang mas kapani-paniwala at upang maiwasan ang anumang posibleng pananagutan mula sa gobyerno ng ating bansa,” ayon sa sinumpaang salaysay.

Inilarawan din ni Cunanan ang isang simbolikong aksyon na nangyari noong parehong gabi.

“Noong nagkaroon ng isang photo session noong parehong gabing iyon, kami ay gumawa ng kapansin-pansing hand gesture: isang baligtad na ‘V’ sign,” aniya.

“Kung matatandaan, naging simbolo ni PBBM ang letrang ‘V’ noong siya ay nangangampanya bilang Presidente, kung kaya naman alam ko na ang hand gesture na ito ay direktang tumutukoy kay PBBM,” ayon sa sinumpaang salaysay.

Ang video ay kalaunan ipinakita sa publiko sa unang pagkakataon ni Roque mismo, ayon kay Cunanan, sa isa pang Maisug Rally na ginanap sa Vancouver, Canada, noong Hulyo 20 – isang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos.

“Sa aking pagkakaalam, isa sa mga dumalo sa rally na iyon sa Vancouver ay ang DDS Vlogger na si Maharlika na tila alam na ang laman ng video na ipinakita ni Atty. Roque bago pa man ito ilahad sa publiko,” dagdag pa ni Cunanan.

“Nagpadala pa sa akin ng mensahe si Maharlika kung saan hinihikayat niya akong ‘sakyan’ ang lalabas na video na umano’y nagpapakita kay Pangulong Marcos na gumagamit ng cocaine,” aniya.

Sinabi ni Cunanan na ito ang nagpatibay sa kanyang paniniwala na ang pagpapalabas ng video ay maingat na tiniming at inorganisa upang magdulot ng pinsalang pampulitika bago ang SONA ng Pangulo.

Noong Hulyo 22–ang mismong araw ng SONA—sinabi ni Cunanan na nakatanggap siya ng mensahe mula kay Maharlika na naglalaman ng dalawang bersyon ng video: isang raw version at isang enhanced version na diumano’y pinabago upang malinaw na ipakita ang pangulo sa eksena.

“Mayroon pa rin akong kopya ng raw and enhanced video na ito,” wika niya. “Sa aking pagkaalam, ang larawan na hawak ni Atty. Roque sa rally sa Hong Kong ay mula sa raw version ng video at hindi pa na-a-augment o na-edit noong panahong iyon.”

“Sa enhanced version na ipinadala sa akin, sa aking pagkaintindi ay in-edit at in-augment ang video upang magmukhang si Pangulong BBM mismo ang nasa eksena. Dahil dito, lalong tumibay ang aking paniniwala na ang video ay sinadyang ipakalat ni Atty. Roque at ng ilang DDS personalities upang magdulot ng batikos at kontrobersiya laban kay PBBM bago ang kanyang SONA,” ayon pa kay Cunanan.

Ipinahayag ni Cunanan na si Roque ay hindi lamang unang tao na nagbanggit ng video kundi siya rin ang nagdulot ng pagpapakalat nito.