Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Remulla1 Justice Secretary Jesus Crispin Remulla

Pagdinig sa Senado tungkol sa pag-aresto kay DU30 nagiging ‘pambu-bully’

38 Views

WE do not want to be bullied. This is precisely the reason why we don’t want to attend the last hearing. You want the person to admit things,”

Ito ang naging himutok na ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang pagtuligsa sa naging takbo ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa pag-aresto at pagsuko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Binigyang-diin ni Remulla na lumalampas na sa tamang proseso ang naturang pagdinig at nagiging paraan na umano ito ng “pambubully” sa mga opisyal ng pamahalaan na inimbitahan ng Senate Committee on Foreign Affairs na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos.

Ipinahayag ito ni Remulla matapos ang matagal at minsang mainit na pagtatanong laban kay Civil Defense Ambassador Markus Lacanilau, na tumayong kinatawan ng Pilipinas sa proseso ng paglilipat kay Duterte sa kustodiya ng ICC. Ilang senador ang paulit-ulit na kinuwestiyon ang awtoridad ni Lacanilau, kaugnay ng mga dokumentong pinirmahan niya, at ang tila kakulangan sa koordinasyon sa mga local umano na hukuman na dapat anila ay bahagi sana ng naging proseso.

Humiling si Remulla na muling isaalang-alang ang contempt order na inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban kay Amb. Lacanilau, dahil sa umano’y malabong tugon nito sa ilang katanungan kaugnay ng naging proseso ng pag-aresto bago dinala si Duterte sa The Hague dahil hindi aniya awtorisado si Lacanilau na isiwalat ang mga desisyon na tanging ehekutibo lamang ang may pribilehiyo.

“It is covered with the Executive order. It is an internal deliberation which should not be discussed in public,” iginiit ni Remulla, at ipinaliwanag ang pagtutol niya sa pagsasagawa ng executive session. Ipinaliwanag din ni Remulla na kahit sa isang closed-door session, may posibilidad pa ring mabunyag sa publiko ang ilang sensitibong detalye na maaaring makasama sa Ehekutibo at ito aniya ay nangyari ng sa mga nagdaang panahon.

Binigyang-depensa rin ni Remulla si CIDG Chief General Nicholas Torre, na animoy iginisa ng ilan senador sa umanoy nagawa nitong mga maling galawan at anilay paglabag sa Konstitusyon kaugnay ng ICC arrest kay Duterte.

“Everything I did was within the ambit of the law. Kung may gustong magreklamo and may nalabag na karapatan nila, I am willing to face them in court. Nakahanda po ako,” saad naman ni Torre na nagsabing ginawa niya lamang ang kanyang tungkulin ng ayon sa batas at sa hinihingi ng pagkakataun.

Ipinaliwanag ni Remulla na handa siyang akuin ang lahat ng naging kilos ng kanyang mga tauhan, dahil ang mga kautusan ay nagmula sa kanya mismo bilang Kalihim ng DOJ.

“I gave them the legal basis. I will admit it. I gave them the go signal and the clearance. It is me,” saad ni Remulla, sabay ipinaabot ang pagkadismaya sa umano’y hindi patas na pagtrato sa mga opisyal at kinatawan ng gobyerno.

Tinuligsa naman ni Senadora Marcos ang basehan ng pag-aresto kay Duterte at ang paraang isinagawa ito. Giit niya, dapat manaig ang Saligang Batas sa lahat ng hakbangin ng gobyerno, lalo na sa isang kasong may kaugnayan sa dating pangulo.

Ngunit iginiit ni Remulla na bahagi pa rin ang Pilipinas ng pandaigdigang komunidad na nagtutulungan sa pagpapatupad ng mga batas kayat umaksyon ang kasalukuyan gobyerno ng naaayon sa hinihingi ng sitwasyon.

“Mahirap pong talikuran ang ating obligations sa community of nations,” aniya.

Ayon sa ulat, ang pag-aresto kay Duterte noong unang bahagi ng Marso ay isinagawa base sa isang Interpol diffusion notice—hindi isang pormal na arrest warrant o red notice. Dahil dito, lumitaw ang mga katanungan kung kumilos ba nang tama at naaayon sa batas ang gobyerno. Ilang senador kabilang sina Marcos, Alan Peter Cayetano, Dela Rosa, at Christopher “Bong” Go ang nagpahayag ng pangamba na si Duterte ay naipasa sa ICC ng diumanoy hindi ayon sa dapat na panuntunan.

Hinamon ni Sen. Marcos ang desisyong isuko si Duterte nang walang pormal na hiling para sa extradition, red notice, o partisipasyon ng lokal na hukuman na dapat ayon sa senadora ay bahagi ng proseso.

Ipinaliwanag naman ni Remulla na ang desisyong iyon ay bunga ng sinserong pagpapasya batay sa mga impormasyon sa panahong iyon. “ it is the best judgment sa panahong iyon. This is the best thing to do. Kaya ginawa po namin,” saad niya. Dagdag pa niya, si Gen. Torre at iba pang opisyal ay naghanda para sa mga posibleng senaryo dahil na rin sa mismong ang dating Pangulong Duterte ang nagkukumpirma sa kanyang mga pahayag na aarestuhin siya ng ICC anumang oras.

Sa panig naman ng PNP, binanggit ni Chief Rommel Marbil na dahil nga si Duterte mismo ang nagsabing inaasahan niyang aarestuhin siya ng ICC anumang oras. Ito raw ang dahilan kung bakit nagsagawa sila ng contingency plan o matinding paghahanda upang masigurong maayos ang lahat sakaling mangyari nga ito.

Ang pagdakip ng ICC at isinasagawang imbestigasyon laban kay Duterte kaugnay ng umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng kampanya kontra droga ay dulot ng mga reklamong ihinain ng ilan sa mga kapamilya ng mga biktima sa korte mismo ng ICC sa the Hague, Netherland.

At bagama’t umatras na ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019 sa panahon ng pamumuno ni Duterte, iginiit ng Korte Suprema na nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa atin, sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa nito.

“Umalis nga po tayo sa ICC nu’ng panahon ni Pangulong Duterte, ngunit hindi natin ni-repeal ang Republic Act 9851 na nagbibigay recognition sa ICC. Naiwan po ’yun. At ’yun din ang dahilan kung bakit hindi siya ma-extradite ngayon—dahil hindi na tayo miyembro sa ICC, kaya’t walang kapangyarihan ang kasalukuyang gobyerno na hilingin ang kanyang extradition,” tugon ni Remulla kay Sen. Marcos kung bakit hindi nila magawang hilingin sa the Hague na pabalikin dito si Duterte.

Iginiit pa ni Marcos na dapat linawin ang timeline at legal na mga dokumento kaugnay ng paglipat ni Duterte sa ibang bansa na para sa senadora ay maraming mali. Tinuligsa rin niya ang umano’y hindi makataong pagtrato kay Duterte at sa kanyang pamilya—isang paratang na mariing pinabulaanan nina Remulla at Gen. Torre, sabay sabing walang nalabag na karapatan sa pag-aresto sa dating pangulo sapagkat ang lahat umano ng kanilang galawan nuong mga oras na yun ay naaayon sa batas.