Calendar

Villanueva ikinasaya pag-update ng Google Maps ukol sa WPS bilang tagumpay sa diplomasiya, edukasyon
“WEST Philippine Sea ng Bansang Pilipinas, nasa Google Map na!
Ito ang isinaad ni Senador Joel Villanueva kung saan ay pinuri niya rin ang pinakabagong update sa Google Maps na malinaw nang tinukoy na atin ang West Philippine Sea.
Inilarawan din ni Villanueva na isang mahalagang panalo para sa Pilipinas ang patuloy nitong pagtatanggol sa karapatan at soberanya sa pinagtatalunang karagatan.
“Ang pagtatalaga at pagtukoy sa Google Maps ng West Philippine Sea ay malaking tagumpay ng bansa laban sa pambu-bully ng China na pilit nanghihimasok sa ating teritoryo,” ani Villanueva sa kanyang opisyal na pahayag. Ipinunto niya ang kahalagahan ng digital platforms sa pandaigdigang pagkilala, at binigyang-diin, “There is power in labeling; in this case, it clarifies ownership and establishes identity.”
Binigyang-linaw rin ng senador ang legal at moral na tagumpay ng Pilipinas sa arbitral ruling noong 2016 na tumutuligsa sa malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea. “Wala naman pong duda na atin ang West Philippine Sea. Naipanalo na po natin ito noong July 12, 2016,” iginiit niya.
Dagdag pa niya, nananatili ang katotohanang ito “kahit ilang dekada at administrasyon pa ang dumaan.”
Inilarawan ni Villanueva ang digital labeling bilang isang mahalagang hakbang hindi lamang sa larangan ng diplomasya kundi pati na rin sa pagpapalawak ng kaalaman ng taumbayan hinggil sa pambansang teritoryo at soberanya—lalo na sa hanay ng kabataan.
“Ang ‘milestone’ na ito ay magiging mahalaga rin po sa pagtuturo at pagbibigay kalinawan sa bawat Pilipino, lalo na sa mga bata, tungkol sa teritoryo at soberanya ng ating bansa sa tulong ng digital technology,” dagdag niya.
Muli rin niyang iminungkahi ang pagsasama sa kurikulum ng mga paaralan ng mga aralin tungkol sa yamang-dagat ng bansa, kasanayan sa paggawa ng mapa, at ang kahalagahan ng 2016 arbitral ruling at diplomasya. “Kasama dapat sa aralin ng mga bata ang pag-aaral ng mga yamang tubig ng bansa, pagguhit ng mapa ng Pilipinas at pagtukoy sa mga isla at tubig na kabilang sa ating kapuluan, at ang pagpapahalaga sa Arbitral Ruling at diplomasya.”
“If we are to strengthen the narrative of our country on the West Philippine issue,” pagtatapos ni Villanueva. “We need to inspire, transform, and educate the younger generation.”
Ang pahayag na ito ng senador ay nagpapakita ng lumalawak na pagkilala sa kahalagahan ng mga digital na teknolohiya hindi lamang bilang gabay sa lokasyon kundi bilang makapangyarihang instrumento sa pagbubuo ng kamalayang pampulitika at pang-edukasyon ng sambayanan.