Calendar
Cristine nagluluksa
Nagluluksa si Cristine Reyes dahil sa pagpanaw ng kanyang beloved stepfather na si Demetrio “Daddy Metreng” Pascual.
Sa kanyang Instagram account ay ibinahagi ng aktres na sumakabilang-buhay ang kanyang ama-amahan nitong April 17.
Kalakip ng kanyang post ang video kung saan ay mapapanood ang pagbisita niya sa may sakit na stepfather kamakailan.
Sa video ay ipinakita ni Cristine ang bahay ng stepfather sa Santolan kung saan din siya lumaki.
Kitang-kita nga ang saya sa aktres habang ginugunita ang childhood days sa naturang tahanan.
Makikita rin sa video ang masaya nilang bonding moments ng kanyang Daddy Metreng.
“Itong video na ito ang huling alaala na itatabi ko. Ang ating huling salo-salo sa ating munting tahanan na punong-puno ng masasayang alaala. Ang iyong huling ngiti at halakhak dito ang palagi kong aalalahanin, daddy,” simula ng aktres sa kanyang caption.
“Sorry kung hindi ko na kinaya makita ka sa ospital. Pinagsisisihan ko na hindi kita nahagkan sa iyong huling hininga.
“Luhaan man kami ngayon, alam namin na payapa ka na. Hindi ka namin makakalimutan, daddy. Kulang ang salitang “salamat,” Dy,” aniya.
Pinasalamatan ng aktres ang adoptive father sa pag-aaruga at pamamahal sa kanya.
“Bagkos ako’y lubos at taos-pusong nagpapasalamat sa pagbusog mo sa akin, sa amin ng pagmamahal, paggabay at pag-aruga. Napakaswerte namin lahat sa’yo sa lahat ng binigay mo na walang katumbas na halaga. Ikaw ang tunay naming kayamanan,” aniya.
“Rest in peace, Daddy Metreng. Daddy Yow. Lolo Dad. Love and light, always,” ang mensahe ng pamamaalam ni Cristine sa stepfather.
Matatandaang bago yumao ang kanyang Daddy Metreng ay nababanggit-banggit na rin ni Cristine sa kanyang mga post na may sakit ito. Kamakailan nga lang ay naghahanap pa siya ng mauupahang bahay para sa kanyang stepfather.
Sa mga post ni Cristine ay kitang-kita ang labis na pagmamahal niya sa kanyang adoptive father hanggang sa huling sandali.