Supervisor sa NAIA nagsoli ng bag na may P100K plus

Jun I Legaspi Apr 22, 2025
18 Views

IPINAKITA ng isang checkpoint supervisor ang kanyang katapatan sa pagbabalik ng naiwan na sling bag na naglalaman ng P107,700 sa isang pasahero na papuntang Saigon sakay ng Cebu Pacific noong Abril 18.

Habang nasa kanyang tungkulin sa Security Screening Checkpoint, napansin ni CPS Carolina Bitun ang sling bag sa upuan sa security screening area.

Bilang pagsunod sa pamantayan ng security screening protocol, agad niyang kinuha ang bag upang maibalik ito sa tunay na may-ari.

Makalipas ang ilang minuto, isang babaeng pasahero ang lumapit kay Security Screening Officer (SSO) Analyn Candalia upang magtanong tungkol sa nawawalang itim na sling bag.

Kinumpirma ni CPS Lelani Pascual ang presensya ng nasabing bag at humingi ng identification upang beripikahin ang pagmamay-ari nito.

Matapos makumpirma ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng ID na natagpuan sa loob ng bag, nagpasalamat ang pasahero dahil sa mga naka-rekover ng bag niya.

Binigyang-diin ni OTS Administrator Arthur Bisnar ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa OTS Core Values na Pagkakaisa, Kakayahan, Integridad, at Serbisyo.

“Ang mga insidenteng tulad nito nagpapakita ng kahanga-hangang paninindigan at katapatan ng ating mga SSO,” ayon kay Usec Bisnar.