NU Humiyaw si NU’s Cess Robles makaraang makapuntos laban sa La Salle. UAAP photo

NU tuloy sa paghataw

Theodore Jurado May 27, 2022
315 Views

RUMOLYO ang National University sa ikawalong sunod na panalo matapos ang 25-21, 25-20, 25-17 paggapi sa La Salle sa UAAP women’s volleyball tournament Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena.

Nanguna si Cess Robles para sa Lady Bulldogs na may 17 points, nag-ambag si Mhicaela Belen ng 14 points, 10 digs at anim na receptions habang nagdagdag si Alyssa Solomon na may 11 points.

Hindi nagpahuli si NU libero Jen Nierva na may 20 digs at 10 receptions habang nagbigay si setter Camilla Lamina ng 18 excellent sets.

Nakaulit ang Lady Bulldogs, na nasa pinakamahabang winning streak magmula nang magwagi ng 10 sunod noong 2013-14 season, sa Lady Spikers, 25-22, 25-15, 25-19, noong May 10.

“Inexpect namin na lalaban din yung kalaban namin,” sabi ni NU coach Karl Dimaculangan matapos ang isang oras at 33 minutong laro.

“Tulad nung sinabi ko nung first round, hindi kami puwedeng maging kampante kahit na na-sweep namin yung first round. Ito panibagong round na ito, challenge rin sa amin, inexpect namin na magiging hirap. Yung mga players nag trabaho talaga nang mabuti para makuha yung panalo,” aniya.

Bumagsak ang La Salle sa 5-3 sa likuran ng second-running University of Santo Tomas, na umangat sa 6-2 matapos maungusan ang Adamson, 24-26, 20-25, 25-21, 25-23, 15-12.

Tumipa si Thea Gagate ng 10 points, kabilang ang tatlong blocks habang nagdagdag sina Alleiah Malaluan at Matet Espina ng pito at anim na puntos, ayon sa pagkakasunod.

Naging maganda rin ang umpisa ng titleholder Ateneo sa second round matapos ang 25-22, 25-13, 25-23 paggapi sa Far Eastern University, habang nailista ng University of the Philippines ang 25- 23, 26-24, 25-17 tagumpay laban sa University of the East upang tuldukan ang four-match losing skid.

Magkasosyo ang Lady Falcons, Blue Eagles at Fighting Maroons sa No. 4 na may 4-4 kartada.