Calendar

Padel Pilipinas, kampeon sa APPT Kuala Lumpur Open
NAGPAMALAS ng husay sina LA Cañizares at Tao Yee Tan upang masungkit ang kampeonato sa Pro Mixed Doubles ng Asia Pacific Padel Tour (APPT) Kuala Lumpur Open, na ginanap sa Ascaro Social & Padel Club.
Nagpakitang-gilas ang dalawa sa finals nang talunin nila ang mahigpit na katunggali mula Russia at Australia—sina Irina Chernaya at Tim Brown, na limang beses nang naging kampeon sa Mixed Pro ng APPT—sa isang kapana-panabik na laban na nagtapos sa iskor na 7-5, 5-7, 6-4.
Matapos ang laban, ibinahagi ni LA Cañizares, “It feels amazing to win on this stage. We’ve been training hard for moments like this, and we’re grateful to bring this home for the Philippines.”
Ayon naman kay Tan, “This victory is for everyone who believes in us and supports padel back home. We hope this inspires more Filipinos to pick up a racket and join the sport we love.”
Ipinamalas pa ni Tan ang kanyang galing at determinasyon sa Pro Female Doubles Final, kung saan nakapareha niya si Mariam Yasmin Garsin laban kina Kotomi Ozawa ng Japan at Elisabeth Nogueras ng Spain.
Matapos matalo sa unang set, bumawi sina Tan at Garsin sa ikalawang set—naka-save ng limang match point at nakuha ang lahat ng golden points—bago tuluyang nabigo sa huling set, 6-0, 7-6 (2-7).
Ang husay ni Tan at Garsin ay patunay ng lumalakas na kompetisyon mula sa mga Pilipino sa larangan ng international padel.
Bilang pagkompleto sa matagumpay na kampanya, lahat ng miyembro ng Team Padel Pilipinas ay umabot sa hindi bababa sa quarterfinals ng kanilang mga kategorya.
Si LA Cañizares, kasama si Qoqo Allian, ay umabot sa Pro Male Quarterfinals, habang sina Princess Jean Naquila at Jed Vallie Rayne Aquino ay nagtala rin ng quarterfinal finish sa Pro Female Category.
Ang kanilang mga performance ay malaking ambag sa matatag na representasyon ng Pilipinas sa buong torneo.
Ipinahayag ni Senator Pia S. Cayetano, Tagapagtatag ng Padel Pilipinas, ang kanyang labis na pagmamalaki sa koponan. “We are incredibly proud of LA and Taoyee for bringing home the championship and showcasing the world-class talent of Filipino padel athletes. To Taoyee and Yam for their impressive finals finish, and to the rest of the team for reaching the quarterfinals—your dedication and passion continue to inspire. Mabuhay kayo!” aniya.
Ang APPT Kuala Lumpur Open, na ginanap mula Abril 25 hanggang 27, ay nilahukan ng mga nangungunang padel athletes mula sa buong Asya at iba’t ibang panig ng mundo—kabilang na ang mga bansang may matatag na kasaysayan at malawak na suporta para sa padel. Ipinapakita ng internasyonal na lineup ng torneo ang patuloy na paglawak ng padel sa buong mundo at ang lumalaking interes dito sa rehiyon ng Asya.