Calendar
Crisologo tuloy ang inspeksyon sa kanyang mga proyekto sa QC
BAGAMA’T isang buwan na lamang ang nalalabi sa kaniyang termino bilang kinatawan pinagpapatuloy pa rin ng isang kongresista ang pag-iikot sa kaniyang iiwanang distrito para inspeksiyunin ang mga isinulong nitong proyekto.
Kahit humigit-kumulang isang buwan na lamang mananatili ang termino ni Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo, ipinagpapatuloy parin nito ang pag-iikot sa iba’t-ibang barangay sa Distrito Uno para magpasalamat sa mga taong sumuporta sa kaniya.
Kasabay nito ang pag-inspeksiyon ni Crisologo sa mga proyektong sinimulan at isinulong niya sa ilalim ng kaniyang tatlong termino bilang kinatawan ng District 1.
Kabilang sa mga binisita ni Crisologo ay ang ilan sa kaniyang mga “flood control projects” sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga flood control structures partikular na sa Barangay San Francisco del Monte.
Sinabi ng kongresista na ang mga nasabing proyekto ay isinulong niya sa pagsisimula ng kaniyang termino noong 2018 para paghandaan ang pagragasa ng baha sa ilang barangay sa Distrito Uno lalo na aniya sa Barangay del Monte kung saan lampas tao kung bumaha.
“Kahit na ano pa ang nangyari noong nakaraang May elections hindi naman ito dahilan para hindi na tayo mag-inspection sa mga proyektong sinimulan natin para dito sa District 1. May obligasyon pa rin tayong kailangang gampanan para sa ating mg aka-Distrito,” sabi ni Crisologo.
Ang ilan sa mga barangay na binisita ni Crisologo ay ang Barangay Vasra at Barangay Del Monte na ilan lamang sa mga lugar na pangunahing naaapektuhan ng malaking pagbaha sa panahon ng tag-ulan.