DA

DA iniutos na ipatupad programa para sa mga magsasaka, mangingisda

Cory Martinez May 5, 2025
19 Views

INIUTOS ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagpapatupad ng mga programang nakatuon para suportahan ang mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pagsisikap upang masiguro ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Sa kanyang mensahe para sa selebrasyon ng Farmers and Fisherfolk Month, binigyang-diin ni Tiu Laurel na hindi maaaring balewalain ang papel ng mga magsasaka at mangingisda para pangalagaan ang pambansang suplay ng pagkain at mapanatili ng ekonomiya.

“Ang papel na ating ginagampanan ay higit pa sa ating trabaho–tayo ang alyansa, ang suporta at tagapagtanggol ng ating mga bayani sa mga sakahan at sa karagatan,” sabi ng kalihim sa pamamagitan ni Undersecretary for Administration Allan Umali.

“Gampanan natin ang ating papel dahil bawat araw ng serbisyo publiko ay araw na talagang mararamdaman ng mga talagang nangangailangan,” ani Tiu Laurel.

Tinukoy ni Tiu Laurel ang ilang prayoridad na inisyatibo sa ilalim ng Marcos Administration na layuning mapahusay ang kabuhayan sa kanayunan.

Kabilang dito ang tinaasang buying price ng palay ng National Food Authority (NFA) upang matiyak ang mas magandang kita para sa mga magsasaka, modernisasyon ng NFA sa pamamagitan ng pagtatayo ng dagdag na warehouses at iba pang post-harvest facilities upang ma-accomodate ang ani ng palay at mais, at ginawang triple ang budget para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund upang mapalakas ang ani.

Pinapalakas din ng DA ang AgriPuhunan at Pantawid program pati na ang inisyatiba sa pagpapautang sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council upang masiguro ang access sa kapital sa pagsisimula ng panahon ng taniman at suportang tulong pinansiyal habang naghihintay sa panahon ng anihan.