Suspek

Wanted sa kasong rape sa Masbate, tiklo nang kumuha ng police clearance sa Valenzuela

Edd Reyes May 14, 2025
16 Views

PINOSASAN sa loob ng presinto ang 25-anyos na kelot na kumukuha ng National Police Clearance matapos mabistong wanted sa lalawigan ng Masbate Martes ng hapon sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, dakong alas-3:30 ng hapon nang magtungo ang puganteng si alyas Anthony, residente ng Gen. T. De Leon St., sa Bignay Police Sub-Station-7 upang mag-apply ng police clearance na kailangan sa kanyang trabaho bilang factory worker.

Nang isalang ang aplikasyon ni Anthony, natuklasan sa e-Warrant System ng pulisya na may nakabimbin siyang warrant of arrest na inilabas ni Masbate City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ave. A. Zurbito-Alba ng Branch 48 noon pang Agosto 9, 2024 para sa kasong rape na walang inirekomendang piyansa.

Kaagad nakipag-ugnayan ang pulisya sa Masbate Police Provincial Office (PPO) at dito nila naberipika na nasa Top 3 Most Wanted Person ng Mandaon Municipal Police Station (MPS) sa Masbate ang pugante kaya’t isinilbi noon din sa kanya ang arrest warrant.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Bignay Police Sub-Station-7 habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Masbate Provincial Jail sa Masbate City.