Ginger1

Nueva Vizcaya dineklara ng DA na ginger capital ng Pinas

Cory Martinez May 25, 2025
19 Views

IDINEKLARA ng Department of Agriculture (DA) ang Nueva Vizcaya bilang “Ginger Capital of the Philippines,” upang mas pagtuunan ang pagpapaunlad ng produksyon ng naturang high-value crop sa pamamagitan ng paglalaan ng maraming resources.

Isinagawa ang deklarasyon bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang agricultural productivity,
partikular na ang mga spices katulad ng luya, na sentro ng layunin ng kanyang administrasyon na pasiglahin ang rural economy.

“This recognition is not just a title; it’s a commitment to deliver support where it truly matters,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

“Ginger is valued both for its culinary and medicinal uses, and with proper backing from the DA, it can significantly improve product value addition to uplift the incomes of smallholder farmers in Nueva Vizcaya and across Cagayan Valley,” dagdag ng kalihim.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nanguna ang Nueva Vizcaya sa produksyon ng luya noong 2024 dahil nakapag-ani doon ng 7,140 metriko tonelada mula sa 933 ektarya ng lupa.

Mayroong 5,010 ginger grower ang lalawigan at kilala ito na bukas sa innovative farming practices at sustained efforts upang mapataas ang kanilang ani na umabot sa average na 7.4 metric tons kada ektarya.

Nagsisilbi din ang Nueva Vizcaya bilang pangunahing source ng luya ng mga key trading hub sa Northern at Southern Luzon at Metro Manila. Umabot sa 14,753 metric tons ang naibiyaheng luya noong 2024.

Isang agricultural stronghold ang Nueva Vizcaya na may 481,388 ektaryang lupang pang-agrikultura.

Nagpo-produce din ito ng bigas, mais, bawang, sibuyas, kamatis, melon at mangga.