Martin

Lakas-CMD inulit suporta sa pagka-Speaker ni Romualdez

198 Views

MULING iginiit ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang suporta nito kay House Majority Leader at reelected Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng susunod na Kongreso.

At sa paglapit ng pagsisimula ng 19th Congress ay mayroong mga kongresista na nagpahayag ng intensyon na lumipat sa Lakas-CMD.

Ayon kay Zamboanga Sibugay Rep. Wilter “Sharky” Palma II, ang Deputy secretary general ng partido, bukas ang Lakas-CMD sa pagtanggap ng mga bagong miyembro.

“Some of our colleagues have expressed their intention to join Lakas-CMD. We are very proud and happy to support our president to become our Speaker in the next Congress,” sabi ni Palma.

Nauna rito ay ginawang opisyal ng Lakas-CMD ang pagsuporta nito sa pagka-Speaker ni Romualdez sa pamamagitan ng Resolution No. 05, Series of 2022, na pirmado nina Lakas-CMD chairperson Vice President-elect Sara Duterte at Sen. Ramon Revilla Jr.

Si Romualdez ang presidente ng Lakas-CMD.

Ang resolusyon ay inilabas ng Lakas-CMD matapos na ipahayag ni dating Pangulo at come backing Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagsuporta nito sa speakership ni Romualdez.

Si Arroyo ay president emeritus ng Lakas-CMD.

Nagpahayag na rin ng suporta kay Romualdez ang mga miyembro ng PDP-Laban, National Unity Party, Nacionalista Party, Liberal Party, Party-list Coalition Foundation, Inc., Hugpong ng Pagbabago, Partido Federal ng Pilipinas, Nationalist People’s Coalition, at mga independent congressmen.

Nakuha na ni Romualdez ang suporta ng mayorya ng mga kongresista na magiging mahalaga umano sa pagpasa ng mga panukala na kailangan ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pamumuno sa bansa.