Rider

2 rider umarangkada ng walang lisensya, helmet, may baril pa, huli

69 Views

SWAK sa karsel ang dalawang indibidwal sakay ng motorsiklo matapos maaresto ng mga otoridad na walang lisensya at helmet sa Sitio Loreland, Brgy. San Roque, Antipolo City Rizal.

Kinilala ng mga pulis Antipolo ang mga suspek na sina alyas Enrico at alyas Kent.

Ayon sa imbestigasyon, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa lugar ng insidente bandang 4 a.m. ng Mayo 27, 2025 nang pahintuin nila ang mga suspek dahil wala itong suot na helmet.

Walang maipakitang lisensya ang driver at kalaunan ay umamin na wala siyang lisensya sa pagmamaneho.

Napansin ng isang opisyal na may nakasusuk na isang holster sa bewang ng driver, at napag-alamang ito ay isang .38 kalibreng revolver na may anim na bala.

Ang dalawang suspek ay sasampahan ng mga kaso para sa paglabag sa RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009), RA 4136 (Pagmamaneho nang Walang Lisensya) at RA 10591 (Iligal na Pag-aari ng Baril at Munisyon) kaugnay ng Omnibus Election Code.

Ang mga suspek ay unang dinala sa Rizal Provincial Hospital Annex II para sa mga pisikal na pagsusuri.