Calendar

Barbers pinaiimbestigahan deal gamit Pinoy keyboard ‘fake news’ warriors
NANAWAGAN ang isang mambabatas mula sa Mindanao sa kaniyang mga kapuwa miyembro ng Kamara de Representantes na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon kaugnay ng kasunduan umano na gumagamit ng mga keyboard warrior sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon upang pahinain ang posisyon ng Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, miyembro ng House tri-committee na nag-iimbestiga sa pagpapakalat ng fake news, batay sa mga nakuhang dokumento at ebidensiya, ang ginagawa umano ng isang PR firm ay malaking banta sa interes at seguridad ng bansa.
“I demand that an urgent and thorough probe be done by this committee on this particular PR firm,” ani Barbers sa kaniyang presentasyon sa pagdinig ng tri-comm noong Huwebes sa People’s Center ng Kamara.
Sinabi ni Barbers, na siya ring chairman ng House dangerous drugs committee at quad committee, na dapat makipag-ugnayan ang tri-comm sa mga regulatory agency, gaya ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), upang siyasatin ang mga pinagkukunan ng pondo ng PR firm, ang pagkuha nito ng mga keyboard warriors, at ang paglikha ng mga “troll farms” na may layuning magpakalat ng maling impormasyon at pekeng balita laban sa mga polisiya ng bansa sa usaping panlabas, partikular sa WPS, at upang umiwas sa pagbabayad ng buwis, at iba pa.
Aniya, bukod sa pagkakatatag nito ng tatlong Chinese nationals at tatlong presumableng dummy na Pilipino, lumagda ang PR firm sa isang service agreement para kumuha ng mga lokal na keyboard warriors at utusan silang gumawa at magpalaganap ng pekeng balita at pro-China propaganda at naratibo.
Pinabulaanan din ng mambabatas ang mga pahayag ng isa sa mga opisyal ng ad firm sa pagdinig sa Senado dalawang linggo bago ang halalan na ang kopya ng service agreement ay peke.
Sa kanyang slide presentation sa pagdinig ng tri-comm noong Huwebes, ipinakita ni Barbers ang mga kopya ng SEC registration papers, financial statements at iba pang dokumento na nagpapatunay na ang isa sa mga opisyal ng PR firm ay lumagda sa kasunduan.
Ayon naman kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng tri-comm, batay sa mga dokumentong nakuha mula sa Senado at iba pang ahensya, kada buwan ay gumagawa umano ang ad firm ng listahan ng mga isyu na kanilang sasakyan.