Calendar

R&D para sa mas maginhawang buhay sentro ng 8th R&D confab ng DOST
ANG Research and Development (R&D) para sa mas maginhawang buhay ng bawat Pilipino ang magiging sentro ng Ika-8 Pambansang R&D Conference ng Department of Science and Technology (DOST) na gaganapin sa Hulyo 23–24, 2025, sa Fiesta Pavilion ng Manila Hotel.
May temang “R&D Building Better Lives: Leveraging Transdisciplinary R&D for Well-Being, Wealth Creation, Wealth Protection, and Sustainability,” ang nasabing kumperensiya ay alinsunod sa Seksyon 19, Artikulo IX ng Republic Act 10055 o Philippine Technology Transfer Act of 2009. Inaatasan ng batas ang DOST na magsagawa ng taunang pambansang kumperensiya ng lahat ng Government Funding Agencies (GFAs) at Research and Development Institutes (RDIs) upang:
Itaguyod ang transdisiplinaryo, magkasanib, at kolaboratibong R&D;
I-koordina at bigyang-lohika ang mga R&D agenda; at
Isaayos at pag-isahin ang mga prayoridad at layunin sa larangan ng pananaliksik.
Tampok sa kumperensiya ang iba’t ibang inobasyon sa larangan ng kalusugan at nutrisyon gaya ng:
Tuklas Lunas na proyekto sa drug discovery and development na katuwang ang mga pribadong kompanya sa parmasyutika;
Innovative Neuroscience Research sa agham ng adiksyon at pananaliksik ukol sa Genetic Epidemiology ng X-linked Dystonia-Parkinsonism (XDP);
Development of the Hunger and Malnutrition Heat Map.
Ilan pang mataas ang epekto sa industriya ang itatampok rin, gaya ng:
Mga sustainable polymer na dinebelop ng Mindanao State University – Iligan Institute of Technology; at
Multi-Functional Battery Energy Storage para sa mga solar energy system sa bahay at gamit pang-emerhensiya.
Ipapakita rin sa NRDC ang mga matagumpay na innovator na mula sa laboratoryo ay nakapagtayo ng negosyo — patunay na ang agham ay maaaring magsilbing daan tungo sa kaunlarang pang-ekonomiya at katatagan.
Ayon kay DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr., “Ipinapakita ng Ika-8 NRDC sa publiko ang mga oportunidad na maaaring makuha mula sa mga output sa laboratoryo na may tunay na aplikasyon sa araw-araw. Nais naming paigtingin ang multi-stakeholder collaboration na nakasentro sa agham at teknolohiya bilang susi sa tagumpay. Sa pamamagitan ng kaganapang ito, layunin naming mas mapalalim ang koneksyon ng bansa sa R&D at mapaigting ang lokal na ekosistema ng inobasyon.”