Magi

Tanggol Unang Wika

473 Views

MAY kasabihan na ang isang taong napakabuti ay walang silbi. Sinabi ni Charles Mckay, isang makata mula Scotland, na ang isang taong ipinagmamalaki ang sarili na wala siyang kaaway ay duwag at maliit lang ang ambag sa pagtutuwid ng mali. Dahil dito, binuo ang Tanggol Unang Wika upang ipaglaban ang karapatan na gamitin ang unang wikang kaloob ng langit sa mga Pilipino. Bahagi tayo ng kilusang ito.

Ako, ang aking ama, at mga kasama ay tumatayong abogado ng mga bata, magulang, guro, mga lolo at lola, mga katutubo, kwentista ng katutubong alamat at mito, tagapagsalin, bingi, at mga nagsasalita ng wikang minorya. Hihilingin namin sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang Batas Republika Blg. 12027 na lumalabag sa karapatang pantao ng aming mga kliyente na kumakatawan sa kahalintulad nila sa sambayanan.

Kabilang sa mga karapatang pantao nilalabag ng batas na ito ang “birthright” ng bawat Pilipino na makapag-aral gamit ang kanilang unang wika na mahalagang sangkap ng mahusay na uri ng edukasyon. Karapatan din ng mga kliyente namin na hindi dumanas ng diskriminasyon at hindi mabusalan ang mga bibig sa paggamit ng wikang minana sa ninuno at maipasa ito sa susunod na henerasyon bilang tanda ng kanyang pagiging Pilipino.

Labag din sa Konstitusyon Artikulo XIV Seksyon 7 ang Batas Republika 12027 sapagkat hinihigitan pa ng English ang wikang pambansa sa nakalaang oras ng kurikulum at pondo. At patuloy na minemenos ang iba pang unang wika ng ating mga kababayan sa mga rehiyon.

Lahat ng pag-aaral ng mga dalubhasa, lalo ng Philippine Institute for Development Studies, ay nagpapatunay na hindi pumipinsala sa mga bata ang paggamit ng unang wika sa kanilang edukasyon. Hindi natin mawari ang dahilan at hindi ito binigyan ng halaga ng mga mambabatas na naghahanap ng daan para makaalis ang bansa sa “learning crisis.”

Panahon na para mamagitan ang Korte Suprema sapagkat ang ehekutibo at lehislatura ay bigo sa paghahanap ng lunas sa bulok na sistema ng edukasyon. Kung mahal ninyo ang wikang ipinagkaloob sa inyo ng langit, suportahan natin ang Tanggol Unang Wika.

Habang hinahanda namin ang petisyon sa Korte Suprema, napukaw ang aking pansin sa talumpati ni Chimamanda Ngozi Adichie (2022) sa Yale University tungkol sa kaibahan ng mabait sa magiliw.

Humuhugot ang Nigerian sa kanyang karanasan bilang Afrikana na lumaki sa isang naratibong nilikha ng kanluranin kaisipan na mababa ang pagtingin sa mga taong balat tsokolate at may ibang kultura , dila, palagay at paniniwala.

Sumasang-ayon ako kay Adichie. Sa ating pakikipagkapwa-tao, panatilihin ang kabaitan ng ugali, ngunit hindi ang pagiging magiliw. Ang prinsipyong ito ay taglay ng Tanggol Unang Wika.

Narito ang bahagi ng talumpati ni Adichie (ang orihinal ay English at isinalin ko sa wikang kaloob ng langit sa akin):

“Maging mabait, dahil ang kabutihan ay sukatan ng ating pagkatao.

Pero huwag maging magiliw.

Ang magiliw ay nangangahulugan na gusto mong  palagi kang nagugustuhan.

Ang magiliw ay nangangahulugan ng pagwawalang-bahala  sa nakakagambalang katotohanan.

Ang magiliw ay nangangahulugan na laging pinipili  ang ginhawa.

Ang magiliw ay nangangahulugan ng pag-aalis ng tapang.

Ang magiliw ay nangangahulugan na bukang bibig ang kapayapaan , ngunit walang-imik sa kawalan ng katarungan.

Hindi kaya ng magiliw na muling ayusin ang mundo. At napakaraming bagay ang kailangan muling ayusin sa mundo.

At habang buong tapang mong sinisikap na muling ayusin ang mundo, mangyaring mag-alinlangan sa perpeksyon sapagkat ito ay ganap na nakakayamot. Kumbinsido ako dito dahil natutunan ko sa panitikan na walang perpektong tao.

Ang pananabik sa perpeksyon ang hahadlang sa iyong landas.Hindi nakakatulong sa anumang usapin ang pagsisimula sa perpeksyon bilang panukat.

Hindi natin kailangan maging perpekto bago tayo makagawa ng tama.” Ni Magi Gunigundo