NE Ang 10 bagong opisyal ng San Antonio, Nueva Ecija sa pangunguna ni Mayor-elect Dra. Gege Salonga-Esquivel (5th mula kaliwa), Vice Mayor-elect Arvin C. Salonga (5th mula kanan) at walong konsehal ng bayan. Kuha ni STEVE A. GOSUICO

Zero rate lending pangako ng bagong SA vice mayor

Steve A. Gosuico Jun 29, 2025
551 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Ilalaan ng incoming vice mayor ng bayang ito na si Arvin Salonga ang kanyang buwanang suweldo upang pondohan ang zero-interest lending program para sa mga small market vendors, may-ari ng rolling stores, tricycle drivers at iba pang may maliit na negosyo sa 16 na barangay ng bayan.

Inihayag ni Salonga ang plano niya sa talumpati matapos manumpa sa pwesto bilang vice mayor-elect kay Lawang Kupang Brgy. Captain Teofilo Sombillo Jr. noong Biyernes.

“Kung magkano man ang aking sweldo bilang vice mayor iyon ang ilalaan ko bilang seed money kada buwan para pondohan itong “Iwas 5-6 o Iwas Usurero” na aking programa sa pagpapautang ng dagdag puhunan nang walang kolateral at walang patubo kahit singko sa ating maliliit na tindahan sa barangay, mga street vendors, maggugulay at maghihito sa palengke, mga rolling stores at tricycle drivers,” sabi ni Salonga.

Sinabi ni Salonga na naisip niya ang planong ito bilang isang mas mahusay na alternatibo kaysa sa “ayuda system” ng gobyerno dahil ito ay magbibigay ng sustainability sa kabuhayan ng tao.

Sumumpa din sa tungkulin bilang bagong mayor ang kanyang nakatatandang kapatid na si Dra. Angelita “Gege” Salonga-Esquivel.

Nanumpa din ang walong councilor-elects na sina Arvin Carl C. Salonga, Daniel S. Pamintuan, Rowena V. Umali, Winkle T. Sulit, Honorio O. Garces, Roy V. Juliano, Eduardo R. Ostares at Arcie P. Cruz.