Posas

Koreano bumangga sa 2 motorsiklo, tiklo

Bernard Galang Jun 30, 2025
247 Views

ARESTADO ang isang Korean national noong Linggo nang tangkaing tumakas matapos bumangga sa dalawang motorsiklo na ikinasugat ng tatlong tao sa Bgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ni Angeles City police ang suspek na si Korean national Kwanyong, 42, ng Crown Asia, Sta. Rosa, Laguna, at may hawak ng Philippine driver’s license na may bisa hanggang Agosto 13, 2029.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na minamaneho ng Korean national ang SUV sa kahabaan ng Malabanias Road sa Angeles City nang bigla itong magpalit ng lane dahilan at nabangga ang itim na Kawasaki motorcycle na minamaneho ni Jeorge, 56, ng Bgy. Cuayan, Angeles City; at isa pang motorsiklo na minamaneho ni Joseph, 41, kasama ang backrider na si Maria , 33, kapwa ng Yap Park, Dau, Mabalacat, Pampanga.

Dahil sa impact, nagtamo ng mga sugat sa katawan ang driver ng dalawang motorsiklo at ang backrider na isinugod sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center ng rumespondeng ACDRRMO Rescue team para malapatan ng lunas.

Matapos ang banggaan, tinangka ng Koreano na tumakas ngunit naharang ng ilang concerned citizen at itinurn-over siya sa Angeles City police.