QCPD

May-ari ng boga na ginamit sa holdap,nakapatay sa parak kilala na

371 Views

ALAM na ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang may-ari ng baril na ginamit ng holdaper sa pagpatay sa pulis sa Brgy. Commonwealth, Quezon City noong Hunyo.

Sa report ng QCPD, nakarehistro sa isang Hernando Dela Cruz Robes ang 9mm pistol na ginamit sa krimen.

Batay sa record, si Robes ay nagmamay-ari ng tatlong baril, kabilang ang sangkot sa insidente at ang lisensya expired na noon pang Marso 2014.

Una nang sinabi ng mga anak ni Robes sa mga imbestigador na ang baril ay naibenta sa isang Manuel Marcos Mercado noong Marso 2023.

Kalaunan ay nakumpirma na si Mercado, na pumanaw noong May 7, ay walang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at ang kanyang lisensya ng baril ay nag-expire noong Agosto 2007.

Kinumpirma naan ng kanyang biyuda na personal niyang kilala si Robes na shooting buddy ng kanyang mister.

Pinatunayan din ng mga saksi ang kanilang mga lagda sa deed of sale at kinumpirma ang transaksyon sa pagitan nina Robes at Mercado.

Sa kabila ng notarized na kasulatan, sinabi ng Firearms and Explosives Office (FEO) na ang baril ay nananatiling opisyal na nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Robes, kaya legal siyang nananagot sa paggamit nito.

Kasunod ng mga pangyayari, boluntaryong isinuko ni Robes ang kanyang dalawang natitirang baril sa QCPD para sa pag-iingat.

Mahaharap si Robes sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591, na kilala rin bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act—partikular sa Section 41 (illegal transfer of firearm ownership) at Section 32 (unlawful sale o disposition of firearms).

Magugunitang noong June 30, nasawi si Patrolman Harwin Curtney Baggay ng District Tactical and Motorized Unit (TMU) ng QCPD at ang 33-anyos na holdaper na si Rolando Capin Villiarete sa shootout sa Brgy. Payatas.