Calendar
Mga magsasaka na nagsuko ng floating shabu pinarangalan
PINARANGALAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni Director General, Undersecretary Isagani R. Nerez noong Biyernes ang mga lokal na mangingisda ng Pangasinan dahil sa kanilang makabayang kilos na pagsuko ng tinatayang P6.5 bilyong halaga ng shabu na kanilang natagpuang palutang-lutang sa karagatan.
Kabuuang 57 mangingisda mula sa Agno, Bani, at Bolinao sa Pangasinan ang nagtungo sa mga awtoridad upang isuko ang mga vacuum-sealed packages ng shabu, sa isang simpleng seremonya sa munisipyo ng Bolinao.
Pinamagatang “Pagkilala sa mga Mangingisdang Makabayan,” layunin ng aktibidad na parangalan ang katapatan at integridad ng mga mangingisda na hindi natukso sa bilyong halagang droga na tinaguriang ‘poor man’s cocaine.’
Bilang pasasalamat, namigay ng grocery packs sina Usec. Nerez, Governor Ramon Guico III, Bolinao Mayor Jesus Celeste, Bani Mayor Facundo Palafox Jr., Agno Mayor John Celeste, at mga kinatawan mula sa PNP at Philippine Navy sa mga mangingisda.
Ayon kay Usec. Nerez, “Ang kabayanihan ay hindi lamang para sa piling tao, kundi makikita rin sa puso at gawa ng mga ordinaryong mamamayan gaya ng ating matapat na mangingisda.”
“Ang mga mangingisdang ito ang Bagong Pilipino ng ating panahon. Taglay nila ang katapatan, integridad, tapang, at pagmamahal sa bayan. Sila ang larawan ng Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.
Samantala, nag-abot din ng tulong ang PDEA Regional Offices 1 at 3 sa mga mangingisda sa Laoag at Pagudpud, Ilocos Norte, at Masinloc, Zambales na boluntaryong nagsauli ng mga pakete ng shabu na kanilang natagpuan sa karagatan.
Hinimok ni Nerez ang bawat Pilipino na tularan ang ganitong uri ng kabayanihan, at binigyang-diin na tanging pagkakaisa ng bawat mamamayan ang susi upang tuluyang wakasan ang salot ng droga sa bansa.

